Horn kumpiyansang tatalunin si Pacquiao
MANILA, Philippines - Para kay Australian prospect Jeff Horn, hinog na hinog na si Manny Pacquiao para talunin niya.
Sinabi ng 28-anyos na si Horn na makakamit niya ang pinakamalaki niyang laban sa kanyang boxing career sa pagsagupa kay Pacquiao, ang susunod na laban ay itatakda sa Abril 22 at posibleng agawin sa Australia.
Kumpiyansa si Top Rank Inc. chief Bob Arum na mapaplantsa niya ang bakbakan nina Pacquiao at Horn sa Australia kung saan ilang grupo ang handang makipagtulungan sa Top Rank para maidaos ang laban sa Australia.
Kung matutuloy ito ay si Horn ang magiging pinakamasayang tao sa buong mundo.
Bukod sa tsansang maagaw kay Pacquiao ang suot nitong WBO welterweight championship ay magkakaroon din si Horn ng pagkakataong talunin ang isa sa pinakamagaling na boksi-ngero sa kasalukuyang henerasyon.
“Manny is still a great fighter, one of the greatest boxers ever. But I feel I have the skills to beat him,” sabi ni Horn, ang No. 2 welterweight contender ng WBO.
Idinagdag pa ni Horn na palaos na si Pacquiao at nagpahayag na ka-yang-kaya niyang talunin ang Filipino icon.
“He’s 38 and I’m 28. He’s slipped a little from his very best and I think now is a great time to challenge him,” wika ni Horn, ang 2012 Olympian na dating school teacher.
Ang posibilidad na itakda ang kanilang laban sa Suncorp Stadium sa Brisbane ang lalo pang nagpasabik kay Horn.
“I know with my home crowd behind me, I can realize my dream,” wika ni Horn, nagdadala ng 16-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 11 knockouts. (DM)
- Latest