Lady Blazers balik solo uli sa No. 2
MANILA, Philippines – Dahil sa mahabang pahinga, medyo bumagal ang umpisa ng defending champion College of St. Benilde Lady Blazers bago nagwagi kontra sa San Beda College Red Lionesses, 12-25, 25-17, 25-23, 25-19 sa women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament na ginanap sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Umiskor si Rachel Anne Austerio ng 13 puntos para sa ika-anim na panalo ng Lady Blazers sa pitong laro at maagaw muli ang solo second spot sa standings.
Bukod kay Austerio, malaki rin ang naitulong nina team captain Jeannete Panaga at Jan Daguil sa kills habang si Ranya Musa ay tumipak rin ng 11 puntos para sa kanilang ikalawang sunod na panalo at umusad palapit sa semifinal round.
“Sobrang bagal ng first set namin. Sa sobrang focus ng team ko, nakatingin na lang sila sa kabila (San Beda). ‘Yung team namin, ‘yung iginagalaw namin ‘di na namin pinansin,” sabi ni St. Benilde coach Macky Cariño.
“So ‘yun ang ni-remind ko sa kanila, na alam natin ang gagalawin ng kabila pero dapat laruin din natin ang laro natin. So ayun pagdating ng second set buti nagbago,” dagdag ni Cariño.
Ang susunod na makakalaban ng Lady Blazers ay ang Arellano University Lady Chiefs sa Miyerkules bago haharapin ang wala pang talong San Sebastian College Lady Stags sa January 25.
Si Francesca Racraquin naman ang humataw para sa Red Lionesses sa kanyang 17 puntos habang si Nieza Viray ay tumulong din ng 14 para sa San Beda na bumagsak sa ikalimang puwesto sa kanilang 5-3 record.
Sa men’s division, ang St. Benilde Blazers ay umangat sa solo top spot matapos manalo sa San Beda Red Lions, 25-19, 25-23, 25-17.
Sa kanilang 6-1 win-loss record, nakopo ng CSB Blazers ang playoff para sa huling slot ng Final Four. Ang Red Lions naman ay tangan ang 6-2 slate para sa ikalawang puwesto at nanatiling buhay ang pag-asang makapasok sa semis.
Sa iba pang laro noong Miyerkules, nagwagi ang Arellano University Lady Chiefs kontra sa Jose Rizal University Lady Bombers, 26-28, 25-6, 25-15, 25-20, upang masungkit ang ika-limang panalo sa anim na laro.
- Latest