Labanan ng mga walang talong koponan
MANILA, Philippines - Maglalaban ang natitirang dalawang walang talong koponan, Petron at Foton sa pagpapatuloy ng 2016 Philippine Superliga Grand Prix ngayong hapon sa San Juan Arena.
Mag-uumpisa ang rematch ng 2015 Grand Prix Finals sa ganap na alas-5:00 ng hapon na susundan ng sagupaan ng F2 Logistics at RC Cola-Army sa ganap na alas-7:00 ng gabi.
Hindi maglalaro para sa Foton ang kanilang ace middle blocker na si Jaja Santiago dahil sa team building ng NU Lady Bulldogs na gaganapin sa Japan sa loob ng 12-araw. Bagama’t matagal mawawala si Santiago, hindi nababahala si Foton Serbian head coach Moro Bra-nislav para sa kampanya ng kanilang koponan sa eliminations.
“Jaja Santiago will not play in the next 12 days because she needs to go to Japan for her university commitment,” pahayag ni Branislav. “But it’s okay I now my players would step up. I’ll prepare them for the next three to four games.”
Ilan sa mga manla-laro na aasahan ni Branislav upang pumuno sa pansamantalang pag-alis ni Santiago para sa Tornadoes ay ang kapatid nitong si Dindin Mana-bat at sina Maika Ortiz, setter Rhea Dimacula-ngan, at ang dalawa nilang imports na sina Lindsay Stalzer at Ariel Usher. Sila na haharap kina Serena Warner, Stephanie Niemer, Frances Molina, CJ Rosario, Cherry Nunag at playmaker April Ross Hingpit para sa Tri-Activ Spikers na layu-ning muling makuha ang kampeonato ng Grand Prix.
Tatangkain namang makabawi ng Lady Troopers sa kanilang dalawang sunod na pagkatalo sa kanilang laban kontra sa Cargo Movers na nais pang pahabain ang kanilang two-game winning run.
Susubukang pigilan nina Kierra Holst, Hailie Ripley, Rachel Daquis, Jovelyn Gonzaga at Royse Tubino para sa Army ang scoring machine ng Cargo Movers na sina Hayley Spelman, Sydney Kemper, Aby Maraño, Cha Cruz at Kim Fajardo.
Samantala, magtutunggali naman ang Generika at Cignal sa ganap na alas-3:00 ng hapon para sa kanilang unang panalo. (FML)
- Latest