Austria PBAPC Coach of the Year
MANILA, Philippines - Makakasama si Leo Austria sa mga matitinik na champion coaches, habang tatanggap sina Rain or Shine co-owners Raymund Yu at Terry Que ng karapat-dapat na pagkilala mula sa PBA Press Corps sa pagdaraos ngayon ng Annual Awards Night sa Gloria Maris Restaurant sa loob ng Gateway Mall sa Araneta Center.
Sa ikalawang sunod na season ay tatanggapin ni Austria ang Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year trophy matapos ang season kung saan niya iginiya ang San Miguel sa kahanga-hangang pagbabalik sa league history nang makabangon mula sa 0-3 finals deficit kontra sa Alaska para angkinin ang Philippine Cup crown.
Ibibigay naman kina Yu at Que ang Danny Floro Executive of the Year award para sa pananatili ng kanilang prangkisa bilang top contender at napagharian ang Commissioner’s Cup sa likod ng masigasig na mga players laban sa mga bigating koponan.
Sina Austria, Uy at Que ay sasamahan ng iba pang awardees na napili ng mga sportswriters na nagkokober ng PBA beat.
Ang pang alas-7 ng gabing okasyon ay inihahandog ng CIGNAL at pamamahalaan nina Rizza Diaz at Quintin Pastrana bilang hosts, habang si Congressman at incoming league chairman Mikee Romero ang tatayong special guest of honor.
Isang special tribute ang ibibigay ng PBAPC sa pamilya at minamahal ni Dalupan, ang tinaguriang ‘The Maestro’ at responsable sa dominasyon ng Crispa sa PBA.
Ang Coach of the Year award ay ipinangalan sa kanya simula nang ilunsad ang taunang event noong 1993.
Si Austria ang unang coach na nanalo ng nasabing award sa dala-wang sunod na season matapos si Chot Reyes noong 2002 at 2003.
Ang isa pang coach na nagwagi ng back-to-back ay si Perry Ronquillo noong 1998 at 1999.
Igagawad naman kay Second year Rain or Shine guard Jericho Cruz ang Mr. Quality Minutes, habang si Paul Lee, ang PBAPC Commissioner’s Cup finals MVP, ang tatanggap ng William ‘Bogs’ Adornado Comeback Player of the Year.
- Latest