FIVB Women’s Club World Championship: Buwenamanong panalo sa 2-Istanbul teams
MANILA, Philippines – Isang magaang panalo ang itinala ng Eczasibasi VitrA Istanbul upang simulan ang kanilang title-retention bid, 25-17, 25-18, 25-15, kontra sa Pomi Casalmaggiore kagabi sa Pool A ng FIVB Women’s Club World Championship sa Mall of Asia Arena.
Nagtala si Tijana Bos-kovic, miyembro ng silver medalist Serbian team sa nakaraang 2016 Rio Olympics, ang namuno sa Eczasibasi VitrA Istanbul sa iskor nitong 18 puntos.
Namuno naman sa Porni Cassalmaggiore si Samantha Fabris na mayroon lamang 7 puntos.
Nagpasiklab naman ang Chinese star na si Zhu Ting upang pangunahan ang VakifBank Istanbul sa kanilang impresibong panalo laban sa Hisamitsu Springs Kobe, 25-15, 25-15, 29-31, 25-18 sa opening game.
Nagtala si Zhu, Most Valuable Player sa Rio Olympics ng siyam sa 27-blocks ng mga Turko upang igupo ang mga Hapon para sa kanilang buwenamanong panalo sa torneong ito na inorganisa ng Philippine Superliga at Eventcourt sa tulong ng TV5, Petron, Asics, BMW at F2 Logistics bilang sponsors, Diamond Hotel bilang official residence at Turkish Airlines bilang official airlines.
Nagdagdag naman ng 18 puntos si Lonneke Sloetjes at Kimberly Hill na may 17 puntos.
Sa ikalawang laban, tinalo ng Volero Zurich ang Bangkok Glass sa straight sets, 25-21, 25-19, 25-23 sa Pool B.
Nagsalansan ng 20- puntos si Olesia Rykhliuk para bumandera sa Volero Zurich kasunod si Dobriana Rabadzhieva na nagtala ng 17 puntos.
Naglalaro pa ang PSL-F2 Logistics Manila at South American champion Rexona-Sesc Rio habang sinusulat ang balitang ito. (FML)
- Latest