NCAA maghihigpit sa intentional foul
MANILA, Philippines – Mas mabigat na parusa ang ipapataw ng NCAA sa koponang gagawa ng intentional foul sa isang player na walang hawak na bola sa huling dalawang minuto ng laro.
Ito ang muling gagamiting patakaran ng NCAA para sa darating na 92nd basketball season sa June 25 sa MOA Arena sa Pasay City.
Sinabi ni league commissioner Andy Jao na ang mga players na gagawa ng nasabing klase ng foul ay papatawan ng unsportsmanlike foul na magreresulta sa isang free throw at ball possession kumpara sa nakaraang season kung saan ikinunsidera ito na ordinary fouls para sa dalawang foul shots kung nasa penalty ang isang koponan.
“It will be implemented this year,” wika ni Jao.
Hindi nagustuhan ng NCAA ang nasabing lumang patakaran na nagbibigay ng karapatan sa koponan na magbigay ng foul sa player na hindi hawak ang bola.
Ang nasabing taktika ay tinawag ding “Hack-A-Shaq” sa NBA na halaw sa ginawa kay dating NBA star Shaquille O’Neal dahil sa kanyang mahinang free throw shooting.
“It has become a joke and we don’t want it to happen again this year,” wika ni Management Committee chair Jose Mari Lacson ng host San Beda.
Ayon kay Jao, kumuha siya ng mga opisyales mula sa tatlong referees association para pamahalaan ang NCAA.
“I will tap 10-11 referees from Nabrascu, eight to nine from Nabro and three or four veteran officials to handle the games this year,” sabi ni Jao sa nasabing mga grupo na nasa ilalim ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
“All of them are SBP-accreditted,” dagdag pa nito.
- Latest