Ensayo ng Nationals isasara sa mga fans
MANILA, Philippines – Gusto nang itago ni coach Tab Baldwin sa social media ang ginagawang paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Kaya naman simula ngayong araw ay magdaraos na sila ng closed-door practice session para hindi maisiwalat ang kanilang ensayo para sa Manila OQT na nakatakda sa July 5-10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Now that we’ve got our team together, it’s time now to start restricting the flow of information from our practices,” sabi ni Baldwin kahapon matapos ang kanilang ensayo sa Meralco Gym. “It’s always going to happen and that time has arrived now.”
Tuluyan nang sumama si naturalized player Andray Blatche sa team practice ng Nationals kasabay si Rain or Shine center Raymond Almazan.
Ang 6-foot-11 na si Blatche ay dumating sa bansa noong Biyernes ng gabi.
Sinabi ni Baldwin na nag-aalala siya tungkol sa mga videos na ipinoposte ng mga fans at ng media sa social media na nauna nang pinapayagang manood sa practice venues.
Ayaw ni Baldwin na mapanood ng kanilang mga kalaban ang ginagawa nilang paghahanda sa Manila OQT.
“A lot of videos on pieces of our practices are showing up on Twitter. It cannot happen whether they come from the media or whether they come from those sitting at the stands,” wika ni Baldwin.
Labis na ikinadismaya ni Baldwin ang mga kumukuha ng kanilang video at inilalabas sa social media.
“It’s not an antagonistic situation. It’s a reality situation that people sitting there can have their phones out and start taking videos. We don’t want all those clips showing up,” dagdag pa nito.
Nauna nang ginawa ng Gilas ang kanilang closed-door practice sa Kerry’s Gym sa Shangri-La sa The Fort noong Sabado matapos ilunsad ang Nike apparel na gagamitin ng Gilas para sa Manila OQT.
Sa kanilang paghahanda para sa FIBA Asia Championship noong nakaraang taon ay itinago ng Nationals ang kanilang ensayo sa Cebu.
Umaasa si Baldwin na mauunawaan siya ng mga fans ng Gilas Pilipinas.
“I hope everyone understands and takes into consideration our position. We’re trying build a team that’s going to be successful in representing the country and we will do that intelligently,” wika pa nito.
Dahil sa pagkakaroon ng knee injury ni Paul Lee ay inialok ng Rain or Shine sa Gilas Pilipinas ang serbisyo ni Almazan sa kanilang ensayo.
Tutulong lamang ang 6’8 na si Almazan sa team practices dahil hindi siya kasama sa 24-man list na isinumite ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa FIBA.
- Latest