2 pang Ateneo alumni kasama sa Bali Pure
MANILA, Philippines – Patuloy ang muling pagsasama-sama ng mga dating Ateneo Lady Eagles sa kabubukas lamang na Shakey’s V-League Open Conference.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Bali Pure playing coach Charo Soria-no ang balita kahapon na idadagdag nila sa line-up ng kanilang koponan sina Ella De Jesus at Jem Ferrer.
Clearance na lamang mula sa PLDT na siyang “home company” nina De Jesus at Ferrer ang hihintayin ng Bali Pure upang pormal ng maisama sa line-up ang 2 alumni ng Lady Eagles.
“We’ve gotten verbal confirmation from PLDT. We just need to go through the proper documentation to get them on the team,” pahayag ni Soriano.
Pagkatapos makuha ang clearance, magkakaroon ng kabuuang siyam na dating Lady Eagles ang Bali Pure na makakasama nina back-to-back NCAA MVP Gretchel Soltones, Janine Marciano at Alyssa Eroa.
Sa iba pang balita, sinabi ni V-League Commissioner Tony Boy Liao na inaayos na ng liga ang bagong TV deal nito sa ABS-CBN.
“Pinaplantsa na lang yung sa Shakey’s. Yesterday, they already talked and it will still be called Shakey’s V-League,” pahayag ni Liao sa panayam ng Philippine Sports Interactive Network (Spin.ph). Napag-alaman na papayag lamang ang ABS-CBN na ipalabas ang mga laro ng liga kung tatawagin lamang itong “V-League,” ngunit ayon kay Liao ay inaayos na ito ng Shakey’s at ABS-CBN.
Ipinagpasalamat rin ni Commissioner Liao ang walang sawang suporta ng Shakey’s sa liga sa nakaraang 12 taon.
“Hindi sila aayaw kasi they have been with us for the past 12 years,” ayon kay Liao. “It’s a boost for us. Hopefully, it will also be good for volleyball,” dagdag ni Liao sa pag-lipat ng V-League sa ABS-CBN.
Ipapalabas ang Open Conference tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado sa ABS-CBN Sports & Action Channel 23.
- Latest