Maraming pagpipilian sa PSL Rookie Draft
MANILA, Philippines - Isang malalim na draft pool ang pagpipilian ng mga koponan sa darating na 2016 Philippine Superliga Rookie Draft.
Kasama sa mga aplikante para sa nalalapit na draft ang iba’t ibang mga manlalaro na nagmula sa iba’t ibang unibersidad ng bansa.
Pormal na dadalhin ng mga dating De La Salle Lady Spikers, Mika Reyes at Cyd Demecillo ang kanilang laro sa Superliga, pati na rin sina Kim Kianna Dy, at Kim Fajardo matapos magkampeon sa katatapos na UAAP Season 78 women’s volleyball tournament.
Nasa listahan din ng mga aplikante sa draft sina dating NCAA MVP CJ Rosario na mula sa Arellano University, na siyang inaasahang magiging no. 1 pick ngayong taon na matatandaang naglaro para sa Petron sa nakaraang PSL Invitational.
Maglalaro naman para sa Foton ang dati ring Lady Spiker na si Carol Cerveza matapos pumirma ng kontrata sa koponan kasama nina UST Tigresses Cherry Rondina at EJ Laure, samantalang wala pang desisyon si dating UAAP MVP Ara Galang, kung dadaan pa ito sa draft o pipirma sa F2 Logistics.
Gaganapin ang draft sa SM Aura sa Taguig sa May 27 kung saan hawak ng PSL Invitational champions RC Cola Army ang no.1 pick, kasunod ang nagbabalik Superliga na Generika, University of Perpetual Help sa pangatlo na susundan ng Standard Insurance, F2 Logistics, Cignal at Petron.
“We will never get tired of opening our doors for these young players,” pahayag ni PSL President Ramon “Tats” Suzara ukol sa rookie draft. “We are looking forward to grow with the league and have them blossom into the volleyball stars of the future.”
Maaari pang mabago ang pagkakasunud-sunod ng mga pipili sa tatlong rounds ng draft dahil sa tatlong araw na trading period na magsisimula sa alas-12:00 ng tanghali ng May 24 hanggang sa mismong araw ng rookie draft sa May 27.
Bago ang mga kaganapan sa May 27 ay maaaring makita ng mga coaches ang mga aplikante sa isang pre-draft camp sa Martes na gaganapin sa FilOil Flying V Arena sa San Juan na susundan ng isang friendly match kontra sa PSL All-Stars. (FMLumba)
- Latest