Tres ni Barnes nagligtas sa Warriors vs Sixers
PHILADELPHIA - Nagsalpak si Harrison Barnes ng isang 3-pointer sa natitirang 0.2 segundo para tulungan ang nagdedepensang Golden State Warriors na maitakas ang 108-105 panalo laban sa Philadelphia 76ers.
Kumamada si Klay Thompson ng 32 points at nagdagdag ng 23 si Stephen Curry para sa Warriors, nagtayo ng 24-point second-half lead.
Nagdagdag naman si Draymond Green ng 10 points at 13 rebounds para sa Golden State, binuksan ang three-game road trip sa pamamagitan ng kanilang ikaanim na sunod na panalo at pantayan ang best start sa NBA sa 47 games.
Dinuplika nila ang 1966-67 record ng 76ers, naipanalo ang 43 sa kanilang unang 47 sa naturang season.
Umiskor si Isaiah Canaan ng 18 points para pa-ngunahan ang 76ers nabaon sa 7-41.
Sa Indianapolis, naglista si Monta Ellis ng season-high na 32 points at humakot ng 9 rebounds para banderahan ang Indiana Pacers sa 109-105 overtime win laban sa Denver Nuggets.
Naimintis ni Ellis ang isang 3-pointer kung saan tabla ang iskor sa 99-99 sa regulation, ngunit nakakonekta ng three-point play sa huling 20.4 segundo sa overtime para sa ikalawang sunod na panalo ng Pacers.
Tumipa si Danilo Gallinari ng 23 points, habang nagposte si Kenneth Faried ng 16 points at 12 rebounds.
Sa Toronto, nagtala si DeMar DeRozan ng 29 points para pagbidahan ang 111-107 panalo ng Raptors sa Detroit Pistons at ilista ang kanilang franchise-best na 11 dikit na arangkada.
Nag-ambag si Kyle Lowry ng 18 points at kumolekta si backup center Bismack Biyombo ng 12 points at 13 assists, habang may 16 points si Cory Joseph mula sa bench.
Binanderahan naman ni reserve guard Brandon Jennings ang Detroit sa kanyang 22 points, habang may 15 si starter Kentavious Caldwell-Pope.
Humakot si center Andre Drummond ng 11 points at 12 rebounds para sa kanyang NBA-leading 39th double-double.
- Latest