Ateneo Lady Eagles sisimulan ang title defense laban sa Lady Bulldogs
MANILA, Philippines – Bubuksan ng Ateneo De Manila University ang pagtatanggol sa kanilang korona sa pagharap sa National University sa pagsisimula ng UAAP Season 78 women’s volleyball tournament sa Filoil Flying V Arena.
Sasagupain ng back-to-back champions na Lady Eagles ang karibal na Lady Bulldogs, gagabayan ni coach Roger Gorayeb, sa main game sa alas-4 ng hapon.
Sa kanyang farewell tour ay inaasahang muling babanderahan ni superstar Alyssa Valdez ang Ateneo.
Makakatuwang muli ng tubong San Juan, Batangas sina 2015 Finals MVP Amy Ahomiro, Jho Maraguinot, Bea de Leon at setter Jia Morado.
Hangad naman ng Lady Bulldogs na mawakasan ang kanilang pagkauhaw sa titulo sa pagtatampok kina 6-foot-4 Jaja Santiago, Myla Pablo, Jorelle Singh, Ivy Perez at libero Bia General.
“As of now, okay naman sila as a team,” wika ni Gorayeb, huhugot ng lakas sa nagbabalik na si spiker Aiko Urdas sa NU.
Sa alas-2 ng hapon ay magtatagpo naman ang season host University of the Philippines at ang University of the East.
Muling aasahan ng Lady Maroons sina veterans Kathy Bersola, Nicole Tiamzon at Pia Gaiser bukod pa kina rookies Isa Molde, Diana Carlos at Justine Dorog.
Itatapat naman ng Lady Warriors sina Shaya Adorador, Jasmine Adorador, Angelica Dacaymat, Roselle Baliton at 2015 co-Rookie of the Year winner Kat Arado katuwang ang baguhang si Seth Rodriguez.
Ang nasabing dalawang laro na isasaere nang LIVE sa ABS-CBN Sports+Action Channel 23.
Samantala, sisimulan din ng Ateneo ang pagpuntirya sa ikalawang sunod na korona sa men’s division.
Makakatapat ng Blue Eagles ang University of Santo Tomas Tigers sa alas-10 ng umaga.
Maghaharap naman sa alas-8 ng umaga ang Far Eastern University at ang UP.
- Latest