Tapos na o Isa pa?
MANILA, Philippines - Natawagan ang Alaska ng kabuuang 21 turnovers sa kanilang 104-110 overtime loss sa nagdedepensang San Miguel sa Game Four noong Linggo.
Kung gusto ng Aces na tuluyan nang iligpit ang Beermen para angkinin ang pang-15 PBA championship ay dapat nilang bawasan ang bilang ng turnovers.
“We can’t keep on turning the ball over like this, and a lot of it is just really us not being smart with the basketball. We got to be better if we want to win on Wednesday,” sabi ni coach Alex Compton. “I didn’t sense any laziness from our guys, but I felt some of our guys were gigil (too eager). They were really fired up, which happens sometimes,” dagdag pa nito.
Muling pupuntiryahin ng Alaska ang korona ng 2016 PBA Philippine Cup sa pakikipagharap sa San Miguel sa Game Five ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bagama’t naisuko ang Game Four ay angat pa rin ang Aces kontra sa Beermen sa 3-1 sa kanilang best-of-seven championship series.
Nasa panig pa rin ng Alaska ang kasaysayan dahil wala pang koponang nakakabangon mula sa 0-3 pagkakabaon at naipanalo ang serye.
Inaasahan namang sasakyan ng Beermen ang kanilang panalo sa Game Four para makapuwersa ng Game Six patungo sa Game Seven kung saan tiniyak ni mentor Leo Austria na maglalaro si back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo.
“Maganda ‘yung progress sa kanyang knee at nakakalakad na siya,” sabi ni Austria sa 6-foot-10 na si Fajardo.
Nagkaroon ang Cebuano superstar ng hyperextended left knee injury sa Game Six ng semifinals series ng San Miguel at Rain or Shine.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpakita si Fajardo sa Game Four para tanggapin ang kanyang ikatlong sunod na BPC trophy ng Philippine Cup.
Ang presensya ni Fajar-do ang naging inspirasyon ni Marcio Lassiter nang magposte ng conference-high na 26 points, habang nagdagdag naman si Gabby Espinas ng 21 points.
- Latest