Durant, Westbrook nagbida sa panalo ng Oklahoma
DENVER – Nagtala sina Kevin Durant at Russell Westbrook ng double-doubles para pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa 110-104 paggiba sa Nuggets.
Tumapos si Durant na may 30 points at 12 rebounds para pangunahan ang pang-limang sunod na ratsada ng Thunder habang naglista si Westbrook ng 27 points at 12 assists.
Naipanalo ng Thunder ang 20 sa kanilang huling 24 laro at sila ang tanging koponan sa Northwest Division na may winning record.
Umiskor naman si Danilo Gallinari ng 27 points sa panig ng Nuggets samantalang nagdagdag si Kenneth Faried ng 17 points at 15 rebounds.
Sa New Orleans, tumipa si Anthony Davis ng 35 points at nakabangon ang New Orleans Pelicans sa 17-point deficit para balikan ang Minnesota Timberwolves, 114-99.
Nag-ambag si Jrue Holiday ng 19 points kasunod ang 13 ni Tyreke Evans para sa Pelicans, naipanalo ang tatlo sa huli nilang apat na laro.
Umiskor naman si Eric Gordon ng 11 points ngunit lumisan sa third quarter matapos magkaproblema ang daliri sa kanang kamay.
Pinamunuan ni Andrew Wiggins ang Timberwolves sa kanyang 21 points at humakot si Karl-Anthony Towns ng 20 points at 13 rebounds habang nagdagdag si guard Ricky Rubio ng 15 points.
Sa Phoenix, naglista si Monta Ellis ng 20 points, samantalang may 19 markers si Paul George at 15 si Myles Turner para tulungan ang Indiana Pacers sa 97-94 pagtakas sa Phoenix Suns at tapusin ang kanilang three-game losing slump.
- Latest