Mr. Sensitive nanorpresa sa huling karera
MANILA, Philippines – Ang ipinalalagay na magiging liyamadong linyada nitong Miyerkules ay biglang naputol nang biglang bumulaga ang dehadong Mr. Sensitive sa huling karera.
Sa isang Handicap-4 na binitiwan sa 1,400 metro distansiyang karera ay halos nag-aagawan sa unahan ang Director’s Gold sakay si J.L. Paano at Diamond’s Wonder na si K.E. Malapira ang patong.
Pagsapit sa meta ay magkakadikit na dumating ang nanalong Mr. Sensitive na nirendahan ni class-D rider Johnny M. Saulog at ang mga nag-agawan para sa second place na dehadong Asikaso at pinakapaboritong si Tuxedo.
Kinailangan pang maghintay ng 10 minuto para madetermina kung ano ang magiging forecast sa Mr. Sensitive na paglaon ay naipasyang deadheat ang ikalawang puwesto. Ang forecast na 9/2 ng Mr. Sensitive at Asikaso ay nag-umento ng P1,495.
Bigla ring bumulaga ang dibidendong P7,935 sa pick six event at P7,027 ang ibinigay sa pick five. Sa winner take all ay nakuntento lang sa P1,199 paycheck ang mga nanalo.
Sa unang parte ng karera ay pawang mga paborito ang nagpasikat na sinimulan ng Super Guru na nilatigo ni John Alvin Guce sa isang three year old and above maiden division sa race one.
Kasunod na nagwagi ang paborito ring Cinderella Kid sa isang class division-1 winners combine with group-2. At sa Handicap-7 naman na ikatlong karera ay patuloy na nananalasa ang Son Of Thunder na ginabayan naman ni J.B. Hernandez.
Sa tampok na karera na Philracom/MJCI New Year racing festival ay ang Priceless Joy na iniba-bawan ni C.V. Garganta ang nanalo. Second placer ang Count Me In, tersero ang Nobody But You at pang-apat naman ang Papa Loves Mambo.
Prente rin ang pagkakapanalo ng liyamadong Boss Gee na dinala ni Jomel L. Lazaro sa isang Handicap-8. Nasilat naman ang paboritong Specialist sa ikaanim na karera na ang nagwagi ay ang Gorgeous Chelsea.
Maganda rin ang panalo ng isa sa triple crown contender na Fun Day Fest, isang tatlong taong kastanya mula sa istalyong Principality at inahing Children Fest. Naorasan ito sa 1,300 metro distansiyang karera sa bilis na 1:22.6 na may quarter times na 7.5; 24.5; 24.5 at may dating pang 26 segundo.
- Latest