Ayaw nang patagalin ng Beermen
MANILA, Philippines – Alam na ni coach Leo Austria ng nagdedepensang San Miguel kung paano tatalunin ang Rain or Shine.
Naisip ni Austria ang ‘formula’ matapos ang kabiguan ng Beermen sa Elasto Painters sa Game Three na nagbaon sa kanila sa 1-2 sa best-of-seven semifinals series nila para sa 2016 PBA Philippine Cup.
“We have to continue to play deliberate and methodical,” sabi ni Austria sa bakbakan ng San Mguel at Rain or Shine sa krusyal na Game Six ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos kunin ng Elasto Painters ang Game Two at Game Three ay winalis naman ng Beermen ang Game Four at Five para pitasin ang 3-2 bentahe sa kanilang semifinals wars.
Sakaling manalo sa Rain or Shine ay makakamit ng San Miguel ang kanilang ika-36 finals appearance para targetin ang pang-22 PBA championship.
Naghihintay na sa finals ang Alaska na kanilang pinadapa sa nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup Finals.
Inangkin ng Aces ang unang finals berth nang patalsikin ang Globalport Batang Pier, 4-1 sa kanilang semifinals duel para umabante sa ika-29 finals stint at hangad ang pang-15 korona.
Sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajar-do, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Chris Lutz at Chris Ross ang muling aasahan ng Beermen katapat sina Jeff Chan, Beau Belga, JR Quiñahan, Jericho Cruz, Gabe Norwood at rookie Maverick Ahanmisi ng Elasto Painters.
Sa huling dalawang panalo ng San Miguel ay nakahugot ng solidong suporta ang 6-foot-10 na si Fajardo kina Santos, Cabagnot at Lassiter.
Ito ang inaasahan ni Austria na mangyayari para tuluyan nang sibakin ang Rain or Shine.
- Latest