Walang isinampang kaso kay Odom
LAS VEGAS – Hindi sasampahan si Lamar Odom ng anumang kaso ng drugs matapos matagpuang walang malay ang dating NBA star sa isang bahay-aliwan sa Nevada na may cocaine sa kanyang katawan noong nakaraang taon.
Ito ang sinabi ng mga prosecutors kahapon.
Walang ebidensya sa kaso na gumamit si Odom ng droga sa kanyang tatlong araw na pamamalagi sa Nye County kaya hindi siya makakasuhan ng anumang paggamit ng cocaine o sa ilalim ng implu-wensya ng controlled substance, ayon kay District Attorney Angela Bello.
Walang nakitang posesyon kay Odom ng anumang cocaine at ang cocaine sa kanyang sistema ay natunaw na kaya hindi na malalaman kung kailan siya gumamit nito nang maospital noong Oct. 13 sa Las Vegas.
“It’s unlikely it could (be) established beyond a reasonable doubt he actually ingested, or was impaired by, the drug during the time he was within the jurisdiction of Nye County,’’ wika ni Bello sa isang statement.
Hindi direktang nakontak ng mga imbestigador si Odom ngunit nakausap naman ang kanyang attorney na si Blair Berk, isang prominenteng celebrity lawyer sa California na hindi nagbigay ng komento ukol sa desisyon ng prosecutors.
Ayon kay Bello, wala nang iba pang inirekomendang kaso na puwedeng isampa na dinala sa kanyang opisina tungkol sa sitwasyon.
- Latest