LeBron ‘di napigilan sa panalo ng Cavs vs 76ers
PHILADELPHIA – Walang nakapigil kay LeBron James nang magsimula siyang mag-init sa fourth quarter.
Tinulungan ni James ang Cleveland Cavaliers na makuha ang kanilang pang-pitong sunod na panalo matapos ang 95-85 paggupo sa Philadelphia 76ers.
Pinantayan ni James ang kanyang season high na 37 points at itinaas ang kanyang mga kamay matapos ang ilang mala-lakas na slam dunks sa harap ng halos 20,000 fans sa Wells Fargo Center.
“They look at me as the leader of this team and I’ve got to be that way all year round,” sabi ni James. “They needed me a lot tonight and I was able to come through.”
Nagdagdag din siya ng 9 assists at 7 rebounds para sa ika-13 panalo ng Cleveland sa kanilang huling 15 laro.
Nakalapit ang Sixers sa 79-81 hanggang magsalpak si James ng isang 22-footer, sinikwat ang defensive rebound at tumipa ng dalawang free throws para muling ilayo ang Cavaliers.
Umiskor si Jahlil Okafor ng 21 points para sa Sixers kasunod ang 18 ni Ish Smith na may 10 assists.
Sa Los Angeles, kumamada si guard Chris Paul ng 25 points at 11 assists, habang nagdagdag si Jamal Crawford ng 21 points para tulungan ang Clippers sa 114-111 overtime win laban sa New Orleans Pelicans. Ito ang pang-siyam na sunod na panalo ng Clippers.
Hindi naman naglaro si two-time All-Star Anthony Davis para sa Pelicans bunga ng back contusion matapos ang kanilang 91-86 home loss sa Indiana Pacers noong Biyernes.
Naipuwersa ng Pelicans ang overtime nang isalpak ni Jrue Holiday ang tatlong free throws mula sa foul ni Austin Rivers sa 3-point area sa huling 1.6 segundo sa regulation.
Sa Portland, umiskor si Damian Lillard ng 31 points kasama ang limang 3-pointers sa huling 3:07 minuto para akayin ang Trail Blazers sa 115-110 panalo sa Oklahoma City Thunder.
- Latest