Aces ibabaon ang Batang Pier sa Game 4 ngayon 2-1 Lead para sa Painters
MANILA, Philippines – Nakahugot ng suporta si June Mar Fajardo, ngunit hindi ito naging sapat para talunin ng Beermen ang Elasto Painters.
Humakot si Beau Belga ng 14 points at 14 rebounds, habang isinalpak ni Chris Tiu ang apat na sunod na free throws sa huling limang segundo ng laro para igiya ang Rain or Shine sa 111-106 panalo sa nagdedepensang San Miguel sa Game Three ng kanilang semifinals series para sa 2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
“We’re lucky we won two games kasi masyadong alaga, sobrang alaga si June Mar (ng mga referees),” sabi ni Elasto Painters’ coach Yeng Guiao kay Fajardo na tumapos na may 40 points at 20 rebounds.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Elasto Painters para ilista ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven semis wars ng Beermen, kinuha ang 86-78 abante sa third period.
Isang 18-7 atake ang ginawa ng Rain or Shine para agawin ang unahan, 96-93, sa 6:09 minuto ng fourth quarter bago umangat ang San Miguel sa 98-96 sa 4:36 minuto nito.
Huling nakadikit ang Beermen sa 106-107 buhat sa basket ni Fajardo sa natitirang 54.3 segudo kasunod ang apat na sunod na free throws ni Tiu para sa Elasto Painters.
Nagdagdag si Marcio Lassiter ng 22 points, kasama ang tres na nagdikit sa San Miguel sa 104-107 sa huling 1:30 minuto.
Samantala, lalapit ang Alaska sa finals berth sa pagsagupa sa Globalport sa Game Four ngayong alas-5 ng hapon.
RAIN OR SHINE 111 - Lee 18, Belga 14, Chan 13, Norwood 13, Ponferada 12, Tiu 12, Ahanmisi 10, Quiñahan 8, Cruz 6, Nimes 5, Trollano 0.
San Miguel 106 - Fajardo 40, Lassiter 22, Santos 12, Tubid 11, Cabagnot 8, Lutz 6, Espinas 5, Reyes 2, Araña 0, Ross 0.
Quarterscores: 26-27; 58-50; 78-86; 111-106. (RC)
- Latest