Bulls 6-sunod na panalo
CHICAGO — Nagdomina si center Pau Gasol nang kumolekta ng 17 points at 18 rebounds, habang tumipa si guard Derrick Rose ng 18 points para ihatid ang Bulls sa 101-92 panalo kontra sa Boston Celtics.
Ika-anim na sunod na panalo ito ng Chicago.
Gumamit ang Bulls ng matinding arangkada sa third quarter para sa kanilang pinakamahabang winning streak sa season at ipalasap sa Celtics ang ikaapat nitong kabiguan sa huling limang laro.
Ipinoste ni Gasol ang kanyang pang-19 double-double sa season sa harap ng kapwa Spaniard na si Placido Domingo na nakatakdang mag-perform at makipaghapunan sa basketball star.
Nag-ambag naman si Jimmy Butler ng 19 points at 10 assists para sa Bulls.
Binanderahan ni Jae Crowder ang Boston mula sa kanyang 17 points.
Sa Sacramento, nabi-tawan ng Sacramento ang inilistang 27-point second-half lead bago nakabalik sa kanilang porma at talunin ang Los Angeles Lakers, 118-115 sa huling laro ni Kobe Bryant sa California capital.
Kumayod si DeMarcus Cousins ng 29 points, 10 rebounds at 7 assists, habang isinalpak ni Rajon Rondo ang go-ahead basket para tulungan ang Kings sa panalo.
Umiskor si Bryant ng 28 points mula sa 10-of-18 fieldgoal shooting, ngunit naupo sa bench nang rumesbak ang Lakers para agawin ang kalamangan.
Sa Philadelphia, nagposte si Kent Bazemore ng 22 points, habang nagdagdag sina Paul Millsap at Al Horford ng tig-18 markers para ibigay sa Atlanta Hawks ang 126-98 panalo laban sa Philadelphia 76ers.
- Latest