May 4 tsansa ang Philippine boxers
MANILA, Philippines – Hindi magiging madali para sa mga Pinoy Boxers ang mag-qualify sa Rio Olympics ngayong taon ngunit sinabi ni ABAP executive director Ed Picson kahapon na umaasa siyang anim na boxers ang makakasama sa Olympics sa paglahok sa apat na torneo.
Ang unang torneo ay ang Asia/Oceania men’s tournament sa Qian’an, China sa March 23-April 3 kung saan may tigatlong slot sa Olympics sa limang dibisyon na sasalihan ng mga Pinoy pugs ang nakataya.
Ang limang weight divisions ay ang lightflyweight (49 kilograms), flyweight (52), bantamweight (56), lightweight (60), lightwelterweight (64) at welterweight (69). Nangangahulugang ang mga finalists at winners sa box-off sa mga semifinal losers sa bawat division ay makakapasok sa Rio.
Sinabi ni Picson na pina-finalize na ng ABAP ang line-up ng Philippines na sasabak sa Qian’an. Ang sigurado lang na panlaban ay si welterweight Eumir Marcial na nakapasok sa quarterfinals ng AIBA World Championships sa Doha noong October ng nakaraang taon.
Ang mga panlaban sa iba pang men’s divisions ay sina lightflyweights Rogen Ladon at Mark Anthony Barriga, flyweights Ian Clark Bautista at Rey Saludar, bantamweights Mario Fernandez at Mario Bautista, lightweights Charly Suarez at Junel Cantancio at sina lightweights Dennis Galvan at Joel Bacho.
Ang ikalawang torneo ay ang APB (AIBA Pro Boxing) at WSB (World Series of Boxing) Olympic qualifiers sa Sofia, Bulgaria sa May 13-22.
Si Barriga, ang tanging boxer na lahok ng Pinas sa 2012 London Olympics at si Suarez ay may tsansa sa Rio bilang mga APB/WSB fighters. Ang top three sa bawat division ay papasok sa Olympic. Sa lightflyweight division kung saan lalaban si Barriga ay may 17 slots pang bakante.
Lalaban si Suarez sa lightweight division kung saan tatlong Olympic tickets ang nakataya. May 28 lightweight slots sa Rio at nakuha na ang pito, dalawa rito ay nakuha na nina Berik Abdrakhmanov ng Kazakhstan at Hurshid Tojibaev ng Uzbekistan.
Ang ikatlong torneo ay ang AIBA Women’s Championships sa May 19-27 sa Astana, Kazakhstan kung saan 12 Olympic slots sa three divisions na flyweight (51 kilograms), lightweight (60) at middleweight (75)- ang paglalabanan.
Pipili ang ABAP coaching staff sa pangunguna ni Pat Gaspi kung sino ang ipapadala kina Nesthy Petecio, Josie Gabuco at Irish Magno sa Astana.
Ang ikaapat na torneo ay ang AIBA World Olympic Qualifiers sa June 7-19 sa Baku, Azerbaijan. Nakataya ang 2 Olympic slots sa lightflyweight at tig-lima sa flyweight, bantamweight, lightweight, lightwelterweight at welterweight.
- Latest