Golden State lusot sa Denver
OAKLAND, Calif. – Dahil may iniinda si reigning MVP Stephen Curry matapos magka-injury uli sa kanyang kaliwang binti, muntik nang maputol ang mahabang home winning streak ng Golden State.
Umiskor si Klay Thompson ng driving finger roll sa huling 15.6 segundo ng overtime upang malusutan ng defending champions na Warriors ang Denver Nuggets, 111-108 nitong Sabado sa NBA.
Ipinasok ni Draymond Green ang apat na 3-points sa opening 3 1/2 minutes patungo sa 29 points, 17 rebounds at 14 assists performance para sa kanyang NBA-leading sixth triple-double.
Makalipas ang 10 minuto pagkatapos ng laro, nakita si Denver forward Kenneth Faried na may neck brace at nasa stretcher na inilabas ng court.
Nasiko si Faried sa batok sa pakikipag-agawan ng rebound sa huling bahagi ng overtime pero nag-thumbs-up ito sa mga fans na ‘di lumabas agad ng venue.
Ayon sa Nuggets, dinala sa ospital si Faried para makasiguro habang lumipad na pauwi ang team para maghanda kontra sa Portland na haharapin nila nitong Linggo. Ayon sa team spokesman, sinamahan ni general manager Tim Connelly si Faried sa ospital.
Tumapos si Faried na may 15 points at 12 rebounds sa 29 minutong paglalaro para sa Nuggets, na natalo ng limang sunod.
Sa Sacramento, hindi inintindi ni Sacramento Kings coach George Karl ang naiposteng ika-1,155 na tumabla sa kanya kay Phil Jackson bilang 5th sa pinakamaraming career victories sa NBA history at mas tinutukan ang kasalukuyang estado ng kanyang koponan.
Kumolekta si DeMarcus Cousins ng 32 points at 9 rebounds para ibigay kay Karl at sa Kings ang 142-119 panalo laban sa Phoenix Suns.
Nalasap ng Suns ang kanilang pang-walong sunod na kamalasan.
Nakuha ng 63-anyos na si Karl ang 1,155-795 record sa kanyang 27 seasons kung saan dalawang beses niyang nalampasan ang cancer sa loob ng limang taon.
Ngayon ay nagsisilbing hamon sa kanya ang pagsagip sa Sacramento na siyam na season nang natatalo.
Nagtala si Karl ng pinagsamang 23-39 record para sa Kings, kasama ang 13-20 mark nga-yong season.
Bago ang panalo sa Suns ay nagmula muna ang Kings sa kabiguan sa Philadelphia 76ers na may pinakamasamang record sa NBA.
- Latest