Long jumper Torres sa Rio Olympics?
MANILA, Philippines – May tsansang makalaro ang long jump queen na si Marestella Torres sa Olympic Games sa ikatlong pagkakataon.
Ito ay sa pamamagitan ng universality slot o direct qualification para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Hangad ni Torres na makuha ang Entry Standard na 6.70 meters at kung hindi niya ito magagawa ay sinabi ni PATAFA president Philip Ella Juico na siya ang bibigyan ng universality slot.
Sa ilalim ng qualification guidelines para sa Rio Games, ang isang NOC na mayroong qualified male athlete ay maaari pang magpasok ng kanilang “best female athlete” sa isang event.
Si Fil-Am Eric Cray ay nauna nang nakakuha ng Olympic ticket sa men’s 400-meter hurdles nang makapasa sa 49.40-second standard sa kanyang oras na 49.12-segundo.
“We’ll probably nominate her (Torres) for universality place because we already have a qualified male athlete (Cray),” wika ni Juico. “But if she meets the standard, then that’s better.”
Pipilitin ni Torres, kasama ang isa pang Rio aspirant na si pole-vaulter EJ Obiena, na makuha ang grade sa Rio-qualifying na 13th Asian Cross Country Championships sa Manama, Bahrain at maging sa Asian Indoor Championships sa Qatar.
Nasa Poland si Obiena at sinasanay ni Vitaly Petrov, ang Ukrainian mentor na naging coach nina pole vault greats Sergei Bubka at Yelena Isinbayeva. Binasag ng University of Santo Tomas ace ang Phl record sa kanyang hagis na 5.45m at sinasabing napaganda ang kanyang record sa training. Puntirya ni Obiena na makuha ang 5.70-m qualifying standard.
Tatarget din ng mga Olympic seats sina SEA Games-winning runners Melvin Guarte, Edgardo Alejan at Christopher Ulboc na sasailalim sa three-month training sa Australia.
“Everything’s geared for the Olympics. If they fail to make it to Rio, they’ll be good for the SEA Games in 2017, the Asian Games in 2018, the 2019 SEA Games and the 2020 Olympics. It’s a long-range plan,” wika ni Juico.
- Latest