Pacquiao vs Broner?
MANILA, Philippines – May dahilan kung bakit tinawag na “The Problem” si WBA superlightweight champion Adrien Broner.
Ang tingin ni Broner sa sarili niya ay siya ang susunod na Floyd Mayweather, Jr.
Wala siyang respeto sa kanyang mga kalaban, walang pakialam sa integridad ng boxing, kinaiinisan, kinayayamutan.
Sarili lang niya ang kanyang iniisip kaya may mga fans na nais magbayad ng ticket, makita lang siyang matalo.
Matagal nang gustong kalabanin ni Broner, 23-gulang, si Manny Pacquiao at may posibilidad na matupad na ito sa susunod na taon.
Isa si Broner sa ikinokonsiderang kalabanin ni Pacquiao sa April 9.
Kasama sa pinagpipilian sina Timothy Bradley at Terence Crawford.
Hindi man matupad ang rematch sa pagitan nina Pacquiao at Floyd Mayweather Jr ay maaaring makontento ang mga fans sa ‘clone’ ni Mayweather.
Ipinanalo ni Broner ang apat sa kanyang huling 5-laban at sa apat na iba’t ibang divisions. Siya ang WBO superfeatherweight, WBA/WBC lightweight at WBA welterweight champion bago nakopo ang WBA 140-pound title sa 12th round stoppage kay Russian Khabib Allakhverdiev sa Cincinnati noong October. Isa si Allakhverdiev sa mga southpaws na tinalo ni Broner. Ang kanyang mga kaliweteng biktima ay kinabibila-ngan nina former world champions Daniel Ponce de Leon at Antonio DeMarco at Guillermo Sanchez.
“I don’t lose to southpaws,” sabi ni Broner sa pang-aasar sa kaliwete ring si Pacquiao.
Si Broner kinaiinisan ng maraming fans dahil arogante, mayabang at walang galang. Ang kanyang ugali ay nakuha niya sa World Wrestling Entertainment.
Pero si Broner, alaga ng manager na si Al Haymon na humahawak din kay Mayweather ay defense-minded tulad ni Mayweather, gumagamit ng shoulder-roll para mahirapang makakonekta ang mga kalaban at -- off-rhythm puncher na ibig sabihin ay kung saan saang anggulo nanggagaling ang kanyang mga suntok.
Nagsimula ang kanyang boxing career noong 2008 pero dalawang beses pa lang siya natatalo at parehong sa puntos lang – isa kay Marcos Maidana at isa kay Shawn Porter. Dalawang beses siyang napabagsak ni Maidana ngunit siya ang nanalo sa kanilang paghaharap sa San Antonio, dalawang taon na ang nakakaraan.
Ang problema ni Broner ay kulang sa focus dahil mas importante sa kanya ang kanyang image sa social media kaysa mag-training para sa laban.
Dalawang beses nang pinabakante sa kanya ang titulong hawak niya dahil hindi ito nakasunod sa weight limit.
Kung mapipili si Broner na kalaban ni Pacquiao, siguradong maraming maaaliw sa kanya sa pre-fight hype. Pero pagdating sa laban, ibang usapan na ito dahil mala-Mayweather din ang style niya kaya hindi siya inaasahang makikipagbasagan ng mukha.
- Latest