Donaire, Nietes nagbigay ng karangalan para sa Pinas
MANILA, Philippines – Matapos si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao, sina light flyweight king Donnie ‘Ahas’ Nietes at super bantamweight titlist Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ang dalawa pang boksingerong nagpasigla sa Philippine boxing sa nakaraang taon.
Hindi man niya napatumba si Mexican challanger Juan Alejo ay sapat na ito para matagumpay na maidepensa ni Nietes ang kanyang World Boxing Organization light flyweight crown noong Oktubre 18 sa StubHub Center sa Carson, California.
Ito ang pang-walong sunod na matagumpay na pagdedepensa ng 33-anyos na si Nietes sa kanyang hawak na WBO light flyweight title at hindi pa rin natatalo sa loob ng 11 taon.
Nakakuha si Nietes (37-1-4, 21 knockouts) ng Murcia, Negros Occidental ng 120-108, 119-109 at 119-109 puntos mula sa tatlong judges para sa kanyang panalo laban kay Alejo (21-4-0, 13 KOs) ng Guadalupe, Mexico.
“Matibay siya,” sabi ni Nietes kay Alejo. “Hindi ako maka-knockout kasi matibay siya, magaling din mag-counter punch at malakas ang overhand.”
Kumonekta si Nietes ng ilang body shots at uppercuts kay Alejo sa fourth round.
Ngunit sa sixth round ay napaputok ng Mexican ang kaliwang mata ng Filipino champion.
Dahil dito ay nag-init si Nietes at nagpakawala ng mga right hand at left hook kay Alejo sa round seven patungo sa kanyang panalo.
Target sana ni Nietes na hamunin si Nicaraguan star Roman “Chocolatito” Gonzalez para sa suot nitong World Boxing Council light flyweight belt.
Ngunit sinabi ni Gonzalez (44-0-0, 38 KOs) na ayaw siyang labanan ni Nietes.
Binigo ni Gonzalez si dating two-division titleholder Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria (36-5-0, 22 KOs) sa pamamagitan ng ninth-round stoppage noong Oktubre 17 sa New York City.
Itinigil ni referee Benjy Esteves, Jr. ang pagrapido ng 28-anyos na si Gonzalez sa 34-anyos na si Viloria sa 2:53 minuto ng round nine.
“Roman is a tremendous fighter. I have nothing but respect for him,” sabi ni Viloria sa Nicaraguan superstar.
“I had prepared for a different Roman, and he surprised me with his defense and his speed. I do feel like the fight was stopped prematurely. I feel good and can keep going. If I had an opportunity to take him on again, I would. I feel like I learned a lot today and would use that for the next time around,” dagdag pa nito.
Samantala, muli namang naisuot ni Donaire (35-3-0, 23 KOs) ang WBO super bantamweight title matapos talunin si Mexican Cesar Juarez (17-4-0, 13 KOs) via unanimous decision noong Disyembre 12 sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Ang naturang korona ay tinanggal ng WBO kay Cuban star Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) ang hawak nitong super bantamweight belt nang hindi lumaban sa loob ng 11 buwan.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng 33-anyos na si Donaire matapos isuko ang featherweight belt kay Nicholas Walters ng Jamaica noong Oktubre ng 2013.
Hinirang si Donaire bilang 2012 Fighter of the Year matapos magkakasunod na talunin sina Wilfredo Vasquez, Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.
“Now he’s back on top, he’s a champion,” sabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions kay Donaire. “We’re gonna build from there. Hopefully, we’ll have some real big fights for him next year.”
Wala pang inihahayag si Arum para sa susunod na lalabanan ng tubong Talibon, Bohol sa 2016.
- Latest