Labanang Fajardo at Slaughter
MANILA, Philippines – Mahigpit ang labanan nina June Mar Fajardo ng San Miguel at Greg Slaughter ng Barangay Ginebra para sa Best Player of the Conference ng PBA Philippine Cup.
Pumuporma si June Mar Fajardo ng San Miguel para sa isa na namang MVP Trophy matapos pa-ngunahan ang statistical race sa pagtatapos ng elimination round ng opening conference ng liga.
Si Fajardo, ang 2014 Rookie of the Year winner ay umani ng kabuuang 45.6 statistical average na .3 lamang ang kalamangan sa pumapangalawang si Greg Slaughter na nanguna sa scoring at rebounding.
Kung hindi lamang nagkaroon ng technical foul si Slaughter na dahilan para bawasan siya ng 5 statistical points ay siya sana ang No. 1 sa statistical race.
Si Slaughter ang nagtala ng nangunang 23.5 points per game at 15.0 rebounds per game bukod sa mga 3.2 assists, 0.2 steal, 1.4 block na katumbas ng 433 statistical points dagdag ang 70 bonus points sa pitong larong ipinanalo ng Ginebra para sa kabuuang 503 statistical points.
Kung hindi dahil sa kanyang technical foul bunga ng second motion kay Karl Dehesa sa kanilang laban sa Mahindra ay siya sana ang No. 1.
Si Fajardo naman ay may 23.1 points, 14.4 rebounds, 1.6 assists, .8 steals, 1.8 blocks average para sa 412 statistical points dagdag ang 90 won game bonus para sa 502 total points.
May malaking advantage si Fajardo dahil nakasiguro na sa Final Four ang San Miguel habang ang Ginebra ni Slaughter ay kailangan pang dumaan sa quarterfinals.
Malayu-layo naman sa ikatlong puwesto sina Sean Anthony ng NLEX at Stanley Pringle ng Globalport na may 37.4 at 37.3 statistical average at nasa ikalimang puwesto si Asi Taulava na may average na 35.9 statistical points.
Samantala, nanguna naman si Troy Rosario ng Talk ’N Text sa mga Rookies sa kanyang 28 statistical average kasunod ang kanyang kakamping si Moala Tautuaa na may 23.5.
Nasa ikatlong puwesto naman si Maverick Ahanmisi ng Rain Or Shine sa kanyang 21.5 statistical average.
- Latest