Laban nina Donaire at Juarez nominadong Fight of the Year
MANILA, Philippines – Dahil sa hitik sa aksyon at drama ang kanilang 12-round championship fight noong Disyembre 12 ay nakatanggap ng nominasyon ang bakbakan nina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr at Mexican Cesar Juarez sa Boxing Writers Association of America (BWAA) para sa 2015 Fight of the Year.
Ito ang inihayag ng BWAA sa kanilang social media account.
“We’re adding Donaire-Juarez to our Fight of the Year nominations #boxing @filipinoflash @trutv @trboxing,” sabi ng BWAA sa kanilang Twitter account.
Tinalo ni Donaire (35-3-0, 23 KOs) si Juarez (17-4-0, 13 KOs) via unanimous decision para angkinin ang nabakanteng WBO belt sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Dalawang beses pinabagsak ni Donaire si Juarez sa fourth round hanggang magkaroon ng left foot sprain sa sixth round matapos matapakan ang paa ng referee.
Bagama’t pipilay-pilay ay hindi pa rin isinuko ni Donaire ang naturang laban.
Ang naturang korona ay tinanggal ng WBO kay Cuban star Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) ang hawak nitong super bantamweight belt nang hindi lumaban sa loob ng 11 buwan.
Sinabi ng 33-anyos na si Donaire na handa siyang itaya ang kanyang WBO super bantamweight crown laban kina 24-anyos na si Juarez at maging sa two-time Olympic Games gold medalist na si Rigondeaux.
Maaari ring maitakda ang pagdedepensa ng tubong Talibon, Bohol sa kanyang titulo kay mandatory challenger Mexican-American fighter Jessie Magdaleno.
“Now he’s back on top, he’s a champion,” sabi ni Bob Arum ng Top Rank promotions kay Donaire. “We’re gonna build from there. Hopefully, we’ll have some real big fights for him next year.”
Hinirang si Donaire bilang 2012 Fighter of the Year matapos magkakasunod na talunin sina Wilfredo Vasquez, Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.
- Latest