Araña nahaharap sa suspensyon
MANILA, Philippines – Dahil sa kanyang pagsiko sa mukha ni Alaska forward Calvin Abueva noong Miyerkules ay posibleng maharap sa suspensyon o multa si San Miguel guard Ryan Araña.
Nakatakdang bumisita si Araña sa opisina ni PBA Commisisoner Chito Narvasa sa Martes para hingin ang kanyang paliwanag.
Nangyari ang insidente sa pagtatapos ng first quarter kung saan nag-aagawan sa puwesto sina Araña at Abueva.
Ang ginawang pagsiko ni Araña sa mukha ni Abueva ang nagresulta sa kanyang Flagrant Fould 2 na awtomatikong pagsibak sa laro.
Tinalo ng Aces ang Beermen, 103-97, para pigilan ang seven-game winning streak ng San Miguel pati na ang pagdakma sa unang outright semifinals berth.
“Hindi ko iniisip na sinadya niya iyon, basta masaya ako at nanalo kami sa game,” sabi ni Abueva.
Tumapos ang dating San Sebastian Stags star na may 17 points at 11 rebounds para sa pang-walong panalo ng Alaska na nagpalakas sa kanilang tsansa para makuha ang outright semifinals ticket.
“Unintentional naman ‘yun. Hindi naman natin ginawa ‘yun para masaktan siya,” sabi naman ni Araña.
- Latest