Philippine Mavericks umakyat sa No. 3 sa IPTL
MANILA, Philippines – Nabigo ang Philippine Mavericks sa Micromax Indian Aces, 23-24, ngunit umakyat pa rin sa third spot sa IPTL Dubai leg noong Martes sa Dubai Duty Free Stadium.
Nakaipon ng puntos ang Mavericks (5-4) sa kabila ng kabiguan para sa kanilang game winning percentage na 49.2 percent (214-221) at makalapit sa pumapangalawang 51.3 percent ng OUE Singapore Slammers.
Nanatiling bitbit ng Aces (8-1) ang liderato sa kanilang 57 percent.
Tinalo ng defending titlists ang Philippine Mavericks bagama’t naipatalo ang kanilang opening legends singles.
Dahil sa pagkakasakit ni player-coach Fabrice Santoro ay napilitan si Rohan Bopanna, isang non-legend, na maglaro at nagtagumpay kay James Blake, 6-0.
Subalit dahil walang legend sub ang Aces ay ibinigay sa Mavericks ang set, 6-0.
Bumawi naman si women’s singles player Agniezska Radswana at ang mixed pair nina Ivan Dodig at Sania Mirza para sa Aces, nang magtala ng magkatulad na 6-4 panalo laban kay Ajla Tomljanovic at sa tandem nina Edouard Roger-Vasselin at Jarmila Gajdosova, ayon sa pagkakasunod, bago nahinto ang laro ng 20 minuto dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Matapos ito ay tinalo nina Bopanna at Dodig sina Roger-Vasselin at Fil-Am Treat Huey sa men’s double, 6-5.
- Latest