Sweet Child Of Mine patok sa mga dehadista
MANILA, Philippines – Walong kartada ang nagawa ng handicapping office na itatakbo nga-yon sa Metro Turf sa Malvar, Batangas kung saan umaasa na magpapatuloy ang ligaya ng mga dehadista na nagdiwang kagabi.
Inaasahang makakapagbigay ng malaking dibidendo ang Sweet Child Of Mine na papatungan ni C.S. Pare Jr. na napipisil ng mga tiyempista sa race four.
Makakaranas ang Sweet Child Of Mine ng matinding oposisyon sa kapapanalo lang na Whitney sa sasakyan ni A.P. Navarosa gayundin sa Kiss Me na malakas ang remate at Princess Jo na ibinigay naman sa apprentice jockey na si A.S. Pare ang renda.
Sa race four, magiging outstanding favorite ang Role Model na muling gagabayan ni Mark A. Alvarez na inaasahang sasabayan ng My Jopeng na gagabayan ni C.P. Henson.
At ang pangatlong tila angat sa mga eksperto ay ang Purple Ribbon na papatu-ngan ni Jordan B. Cordova sa penultimate race. Ang coupled runners na It’s My Birthday at Suave Saint ang binibigyan ng puntos para makatalo sa Purple Ribbon pero may laban din ang Chelzeechelzechelz na dadalhin ni Jessie B. Guce.
Napipisil rin bilang dehado at maaaring makaiskor ang Buenos Aires at Wild Ginseng sa race one, Real Steal at Big Deal sa race three, Romilia at Glitter Face sa race five at My Big Osh at Hep Hep Hooray sa huling karera.
Samantala, puro dehado ang nanalo kagabi sa pangunguna ng Weekend Bash na dinala ni Dominador H. Borbe Jr. na tila liyamado ang pagkapanalo.
Sumunod na nagpasikat ang dehadong Wise Ways na nirendahan ni J.V. Ponce sa isang PRCI special race-16.
Dehado rin ang Penny Perfect na pumangalawa sa karera at ang Maze The Ninja na pumangatlo. Ang paboritong Birthday Gift ay pang-apat lamang.
Sumali rin sa mga nanalong dehado ang Choosey na pinatakbo ni Esteban De Vera sa isang PRCI special race-21.
Sa PRCI special race-19 ay ang dehado ring si War Alert ni Gilbert M. Mejico ang siyang nagyabang.
Tatlong masuwerteng tickets ang nanalo sa winner take all na ang bawat isa ay may premyong P659,586.
Sa unang pick five lang ay sampu ang nagwagi na ang bawat isang ticket ay may pabuyang P157,896.
Kung hindi kasama ang Weekend Bash ay P8,557 naman ang makukulekta ng mga nagsitama sa pick six. (JM)
- Latest