Tsansa ng Beermen na mauna sa semis
MANILA, Philippines – Ito na ang pagkakataon na tiyak na hindi pakakawalan ng nagdedepensang Beermen.
Nasa kanilang seven-game winning streak, pipilitin ng San Miguel na masikwat ang una sa dalawang automatic semifinals ticket sa pagsagupa sa Alaska ngayong alas-7 ng gabi matapos ang paghaharap ng Rain or Shine at sibak nang Meralco sa alas-4:15 ng hapon sa 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Pinitas ng Beermen ang kanilang pang-pitong sunod na panalo matapos talunin ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 97-84 noong Disyembre 12 kung saan tumapos si one-time PBA Most Valuable Player Arwind Santos ng 30 points kasunod ang 22 ni back-to-back MVP June Mar Fajardo, 21 ni Alex Cabag-not at 12 ni Chris Lutz.
Hindi naman nakaiskor si outside sniper Marcio Lassiter bunga ng dalawang beses pa lang nitong pakikipag-ensayo matapos ang dalawang linggong pagpapagaling ng kanyang injury.
Para talunin ang Aces, sinabi ni coach Leo Austria na kaila-ngan nilang mapantayan ang intensidad ng tropa ni American mentor Alex Compton.
“Must win for them kasi a loss for them they’ll be eliminated sa Top Two, so we have to be ready,” wika ni Austria sa Alaska na naputol ang four-game winning run makaraang yumukod sa Rain or Shine, 105-111, noong Disyembre 11.
Sa tournament format, ang Top Two teams matapos ang elimination round ang mabibigyan ng outright seat sa Final Four, habang ang No. 3, 4, 5 at 6 squads ay makakakuha ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 10, 9, 8 at 7, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.
Sa unang laro, magpapatibay naman ng pag-asa ang Elasto Painters sa ikalawang outright semifinals seat sa pagsagupa sa Bolts.
“We look forward to playing NLEX and Meralco in our last two games and hope to get the outright semis,” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao. “That’s the goal. We can’t lose to any of those teams as our chances are going to be a lot less than what they are right now.”
Matapos ang Bolts ay ang Road Warriors naman ang susunod na lalabanan ng Elasto Painters sa kanilang huling laro sa eliminasyon.” (RC)
- Latest