Silver Sword kampeon sa 2nd Pasay – The Travel City
MANILA, Philippines – Muling nakapagpasikat ang imported runner na Silver Sword nang magkampeon sa 2nd Pasay “The Travel City” Cup kahapon na ginanap sa Metro Turf, Malvar-Tanauan, Batangas race track.
Ginabayan ni John Paul A. Guce ang limang taong kastanyang kabayo mula sa istalyong Ready’s Image at inahing Skirmish Point na galing ng Australia para mauna agad sa pagbukas pa lamang ng aparato.
Bagama’t may mga nagtangkang makalapit tulad ng Don Albertini, Lucky Nine at Basic Instinct, ay hindi nagpabaya si Guce para maipirmis ang ayre na kanilang sinimulan.
Iginuhit ng Silver Sword ang tiyempong 1:37.2 sa mabilis na pista ng Metro Turf sa mga quarters na 25; 22.5; 23 at nagtapos sa 27 segundo para ibigay sa koneksyong sina owner Henegino Gianan Jr.; horsetrainer Moy E. Mongara at jockey Pao Pao Guce ang premyong P420,000.
Pumangalawa ang Lucky Nine na pinatakbo ni Kelvin Abobo sa premyong P157,500; pangatlo ang Eu-genie na sinakyan ni J.A. Guce sa pabuyang P87,500 at pang-apat ang Strong Champion sa P35,000.
Sa mga naunang karera, nagwagi ang Love Of Course na ginabayan ni R.O. Niu Jr., kasunod na nanaig ang dehadong Spring Collection na nirendahan ni apprentice jockey M.M. Gonzales.
Dalawang dehadong entries pa ang nakapagpasikat na Bull Session sa paggabay ni Jonathan B. Hernandez sa Pasay City Officials trophy race at Whitney na iginiya ni A.P. Navarosa sa Rep. Emi Calixto-Rubiano Cup.
Ang unang liyamadong nagwagi ang Some Like It Hot na pinatungan ni J.T. Zarate sa Pasay City Sangguniang Panlungsod trophy race.
Siguradong matatandaan ng tatlong nagsitama kay Silver Sword sa pick five dahil tumataginting na P193,695 na dibidendo ang nakuha ng tatlong masuwerteng nanalo.
- Latest