Miami tinakasan ang Oklahoma
MIAMI -- Nagsalpak si Dwyane Wade ng 28 points, tampok dito ang dalawang krusyal na free throws sa natitirang 1.5 segundo para tulungan ang Miami Heat sa 97-95 pagtakas sa Oklahoma City Thunder sa larong nagkaroon ng 38 lead changes at 11 deadlocks.
Sa 13-season career ni Wade sa Heat ay ito pa lamang ang unang laro kung saan sumobra sa 31 ang lead changes.
Nagdagdag si Chris Bosh ng 16 points habang may 14 si Goran Dragic at 12 si Josh McRoberts para sa Miami na nakinabang sa pagmimintis sa tres ni Russell Westbrook sa pagtunog ng final buzzer.
Kapwa tumapos sina Westbrook at Kevin Durant na may tig-25 points para sa Oklahoma City na hindi naipasok ang dalawang tres sa huling 10 segundo. Tumalbog ang tangkang tres ni Durant at nahablot ni Bosh ang rebound kasunod ang pagtawag niya ng timeout sa nalalabing 7.7 segundo.
Sa Toronto, tumipa si Will Barton ng 22 points at nagdagdag ng 21 si Danilo Gallinari para akayin ang Denver Nuggets sa 106-105 panalo laban sa Toronto Raptors at wakasan ang kanilang eight-game losing slump.
Naiwasan ng Denver na malasap ang kanilang nine-game losing skid na nangyari noong 2002-03 season kung saan natalo sila ng 14 sunod.
Nagtala si Joffrey Lauvergne ng 14 points at 10 rebounds para sa Nuggets, naglista ng 18-of-18 foul shots.
Kumabig naman si DeMar DeRozan ng season-high 34 points at may 16 si Kyle Lowry sa panig ng Raptors.
Sa Mexico City, tumapos si Isaiah Thomas na may 21 points para igiya ang Boston Celtics sa 114-97 panalo laban sa dati niyang koponang Sacramento Kings sa ikatlong NBA regular-season game na inilaro sa Mexico.
Kaagad na umiskor si Thomas, naglaro para sa Kings noong 2011-14, ng 19 points sa first half.
Nag-ambag naman si Kelly Olynyk ng 21 points para sa Celtics, habang may tig-20 markers sina Avery Bradley at Jae Crowder.
Sa Memphis, naglista si Kawhi Leonard ng 27 points, kasama ang pitong tres para ihatid ang San Antonio sa 103-83 paggiba sa Memphis Grizzlies.
- Latest