Arum naghihintay din kay Manny
MANILA, Philippines – Kagaya ng mga boxing fans ay hinihintay na din ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang desisyon ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Sinabi kahapon ni Arum na nakausap na niya si Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao at maganda ang kanyang narinig.
“He’s absolutely positive we’ll have an answer by Friday,” wika ni Arum sa inaasahang pagpili ni Pacquiao sa hanay nina world light welterweight titlist at 2014 Fighter of the Year Terence Crawford, welterweight titleholder Timothy Bradley Jr. at welterweight contender Amir Khan.
Itinakda ni Arum ang pinakahuling laban ng 36-anyos na si Pacquiao sa Abril 9, 2016 bago tuluyang magretiro at tutukan ang kanyang political career.
Ayon kay Arum, narebisa na ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) ang mga fight tapes nina Crawford (27-0-0, 19 KOs), Bradley (33-1-1, 13 KOs) at Khan (31-3-0, 19 KOs).
Kaya naman malaki ang posibilidad na magdesisyon na si ‘Pacman’ kung sino ang kanyang lalabanan sa Abril 9, 2016.
Sinuman ang sagupain ng Filipino boxing superstar ay makakakuha siya ng guaranteed purse na $20 milyon, ayon kay Arum.
Dahil tanging sina Crawford at Bradley ang nasa kampo ng Top Rank Promotions ay ipinapanalangin ni Arum na isa sa kanila ang mapipili.
Si Khan ay ginagaba-yan ni adviser Al Haymon na idinemanda ni Arum ng $100 milyon ukol sa binuong Premier Boxing Champions ni Haymon.
“Would I prefer it not to be Khan? Yes, but this is Manny’s last fight. I have a duty to him to present him all of the options,” wika ni Arum sa naunang panayam ng ESPN.com.
- Latest