Indonesia pasok sa semis ng Spike for Peace
MANILA, Philippines – Ginulantang ng mas maliit na Indonesians ang top-seed na Spain, 22-20, 23-21 para makapasok sa semis ng Spike for Peace International beach volley tournament na nagpatuloy kahapon sa Philsports Arena.
Naghabol sina Dini Putu at Juliana Dhita sa first set at naging maganda ang kanilang simula sa second upang diskarilin ang Spanish tandem nina Amaranta Fernandez at Ester Ribera sa kanilang quarterfinal match.
Nakawala kina Putu at Dhita ang dalawang match points sa 20-19 at 21-20.
Pero hindi na nila pinakawalan ang ikatlong pagkakataong manalo sa 22-20 nang mahusay na naipuwesto ni Dhita ang kanyang tira sa gilid.
“We just played as a team,” sabi ni Dhita matapos ang panalo na nagtakda ng kanilang semis match kontra sa Japan na humatak ng 21-9, 21-11 panalo kontra sa New Zealand.
Tinalo ng Brazil ang Netherlands 21-14, 19-21, 15-12 at makakaharap nila ang mananalo sa pagitan ng Thailand at Sweden sa semis ng indoor event na ito na inorganisa ng Philippine Sports Commission.
Paglalabanan ang semis simula ala-una ng hapon kasunod ang finals kung saan ang mananalo ay mag-uuwi ng top prize na $8,000.
- Latest