Spike for Peace Philippines Team A sinibak ng Spain
MANILA, Philippines – Humugot ng lakas ang top-seed na Spain mula kay Amaranta Fernandez kahapon para sa 21-14, 21-10 panalo kontra sa Philippines Team A na nasibak sa kontensiyon sa Spike for Peace International beach volley tournament sa Philsports Arena.
Ang 6-foot-2 na si Fernandez ay umiskor ng 19 points, 15 sa attacks at apat sa service winners na nagpabagsak sa Philippine team na binubuo nina Alexa Micek at Charo Soriano na lumasap ng kanilang ikatlong talo sa gayon ding dami ng laro sa kakaibang indoor beach volley event na ito.
Katambal ni Fernandez si Ester Ribera sa pagposte ng kanilang ikalawang sunod na panalo matapos masilat ng Australia B sa opening day noong Linggo bago talunin ang Netherlands sa sumunod na araw.
Laban sa Phl Team A, lumamang agad ang Spain sa 10-5 at ‘di na lumingon pa para kunin ang first set sa loob lamang ng 14 minutes. Tumagal lamang ang second set ng 15-minuto matapos kunin ang 12-5 kalamangan.
Nauna nang natalo sina Micek at Soriano sa Thailand at New Zealand na siyang nanalo sa Fit to Hit beach volley sa SM Sands by the Bay noong September.
Ang Phl Team B nina Danika Gendrauli at Norie Diaz ay nasibak na rin matapos matalo sa Sweden, Japan at Brazil sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission.
Kabuuang 13 teams ang kasali mula sa 11 bansa para paglabanan ang top prize na $8,000 habang ang runnerup ay may $5,000.
Ang iba pang kasaling koponan ay ang United States, Japan, Indonesia, Brazil at Thailand.
- Latest