Lady Chiefs sinimulan ang pagdedepensa mula sa panalo sa Lady Knights
MANILA, Philippines – Humugot ng lakas ang Arellano University kay CJ Rosario upang patumbahin ang Letran College, 25-18, 25-12, 25-19, para sa inaasam na back-to-back title sa 91st NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Humataw ang power-spiking na si Rosario ng 17 hits na tinampukan ng 16 kills para sa unang panalo ng Lady Chiefs sa torneo kung saan paborito silang muling magreyna sa ikalawang sunod na taon.
Ngunit hindi pa ito iniisip ng Arellano.
“It’s a nice way to start the season but it’s just the first game, there’s more to be done,” wika ni coach Obet Javier.
Nagbigay ng suporta kay Rosario sina Dana Henson, team captain Rialen Sante, Jovielyn Grace Prado at Shirley Salamagos na nagtala ng 11, tig-9 at 8 points, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naglaro si Menchie Tubiera dahil sa kanyang injury.
Sa pangunguna nina Rosario at Tubiera, tinalo ng Arellano ang San Sebastian, 25-23, 25-19, 26-24, para angkinin ang kanilang kauna-unahang NCAA volleyball title noong nakaraang season.
Samantala, bubuksan ng nagdedepensang Emilio Aguinaldo College ang kanilang kampanya para sa back-to-back title.
Lalabanan ng Generals ang San Beda Red Lions ngayong alas-8 ng umaga.
Babalikating muli ni Howard Mojica ang laban ng EAC na nagpabagsak sa St. Benilde, 25-21, 23-25, 25-19, 25-20, sa nakaraang NCAA season.
- Latest