Niresbakan ang FEU sa Game Two UST pumuwersa ng ‘winner-take-all’
Laro Sa Miyerkules (Mall of Asia Arena, Pasay City)
3:30 p.m. – FEU vs UST (Game 3, Finals)
MANILA, Philippines – Isinapuso ng mga beterano ang hamon sa kanila ni coach Bong Dela Cruz matapos matalo sa Game One noong nakaraang Miyerkules.
Kumamada si Kevin Ferrer ng 24 sa kanyang 29 points sa third period, habang pumuntos naman sina import Abdul Karim, Louie Vigil at Ed Daquioag sa krusyal na bahagi ng fourth quarter para akayin ang University of Sto. Tomas sa 62-56 panalo kontra sa Far Eastern University sa Game Two ng 78th UAAP men’s basketball championship sa harap ng 22,000 fans kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Itinabla ng Tigers ang kanilang best-of-three title showdown ng Tamaraws sa 1-1 matapos isuko ang Game One, 64-75.
“Sabi ko sa kanila, smile tayo sa game at i-enjoy natin, and at the same time, kailangan nating dumepensa,” bilin ni Dela Cruz.
Bumalikwas ang UST mula sa nine-point deficit, 21-30, sa halftime sa pamamagitan ng mainit na kamay ni Ferrer.
Nagsalpak si Ferrer ng anim na three-point shots sa third quarter para ibigay sa Tigers ang eight-point lead, 45-37, laban sa Tamaraws sa 3:27 minuto nito.
Matapos ang 3-pointer ni Mario Bonleon para sa 50-41 bentahe ng UST sa pagbungad ng fourth period ay naghulog naman ang FEU ng isang 13-0 bomba sa likod nina Mac Belo, Raymar Jose, Mike Tolomia at Achie Iñigo para agawin ang 54-50 abante sa 4:45 minuto nito.
Ang jumper ni Daquioag kasunod ang free throw ni Abdul at basket ni Vigil ang muling nag-angat sa Tigers sa 55-54 sa huling 2:37 minuto ng labanan.
Nabigo naman ang Tamaraws sa kanilang opensiba na lubhang ikinadismaya ni mentor Nash Racela.
Ang dalawang free throws ni Abdul ang naglayo sa UST sa kontra sa FEU sa 60-54 sa natitirang 24.7 segundo.
Tumapos si Abdul na may 11 points at 6 rebounds kasunod ang 10 markers ni Daquioag para sa España-based cagers.
Noong nakaraang taon ay kinuha rin ng Tamaraws ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three championship series bago sila binalikan ng National University para sikwatin ang UAAP crown.
Huling naghari ang UST noong 2006, habang noong 2005 naman huling nagkampeon ang FEU.
UST 62 - Ferrer 29, Abdul 11, Daquioag 10, Vigil 5, Bonleon 3, Lao 2, Lee 2, Faundo 0, Huang 0, Sheriff 0.
FEU 56 - Belo 16, Pogoy 12, Jose 9, Tolomia 7, Iñigo 5, Orizu 3, Tamsi 2, Dennison 2, Ru. Escoto 0, Arong 0, Ri. Escoto 0, Trinidad 0.
Quarterscores: 13-20; 21-30; 47-41; 62-56.
- Latest