Petron Blaze Spikers nangakong reresbakan ang Foton Tornadoes
LARO SA LUNES
(Cuneta Astrodome)
4 p.m. Petron vs Foton (Game 2, Finals)
MANILA, Philippines – Matapos matalo sa Foton sa Game One ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball championship series noong Huwebes ay nangako ang nagdedepensang Petron na reresbak sila sa Game Two sa Lunes.
Sinabi ni Blaze Spikers’ coach George Pascua na gagawin nila ang lahat para makabawi sa Tornadoes at maitabla ang kanilang best-of-three title showdown.
“First time ito, so we treat it as a challenge,” wika ni Pascua, hangad maging unang coach na nakakuha ng Grand Slam sa nasabing inter-club tournament na inihahandog ng Asics katuwang ang Milo, Mikasa, Senoh at Mueller bilang technical partners at TV5 bilang official broadcaster.
Nang angkinin ang kanilang unang Grand Prix crown katuwang sina imports Alaina Bergsma at Erika Adachi ay winalis ng Petron ang Generika sa finals.
Sa All-Filipino Conference ay itinala nila ang 10-game sweep sa double-round eliminations bago gibain ang Shopinas sa finals.
Sa kanila namang pagkatalo sa Foton sa Game One ng kasalukuyang torneo ay maganda ang inilaro nina Adachi, Dindin Manabat, Rupia Inck at Aby Maraño sa opening set.
Ngunit biglang humina ang depensa sa second at third sets na siyang sinamantala ng Foton.
Hinayaan din ng Blaze Spikers ang triple-tower ng Tornadoes na sina Lindsay Stalzer, Katie Messing at Jaja Santiago na magdomina sa sumunod na sets.
“Ang naging problema namin, nadala sila ng emotions nila,” sabi ni Pascua. “Actually, ang volleyball is more of psychological rather than physical. Natalo kami kasi naglaro sila based sa emotions, not on their willingness to and desire to win.”
“Kailangan talaga na mag-enjoy ka sa game kasi the more na nag-e-enjoy ka ay mas nale-lessen ‘yung pressure at tumataas ang adrenaline mo,” dagdag pa nito.
- Latest