Garlimax, Sky Dancer nagpasiklab
MANILA, Philippines – Kapwa nag-kampeon sina Garlimax at Sky Dancer sa magkahiwalay na tampok na karerang ginanap sa San Lazaro Leisure Park kahapon.
Sa 4th leg ng Philippine Racing Commission juvenile fillies nagwagi ang Garlimax na nirendahan ni Cristopher V. Garganta sa pamamagitan ng pagbanderang tapos.
Sa paglabas pa lamang sa aparato ay wala nang nakadikit kay Garlimax, isang dalawang taong kastanyang kabayo, para makopo ang P900,000 premyo para sa koneksyon niyang sina horse owner Abet Alvina, trainer Donny Sordan at hineteng si Garganta.
Binagtas ni Garlimax ang distansiyang 1,500 metro sa bilis na 1:35.8 (isang minuto, tatlumput-lima at 4/5 segundo) mula sa mga quarters na 18, 24-medya, 25-medya at nagtapos sa 27 segundo.
Pilit na hinabol ang third pick sa bentahan na Garlimax ng second choice na si Striking Colors na pinatungan ni Pat Dilema gayundin ang paboritong si Subterranean River na sakay ni John Paul Guce.
Pero wala ring nangyari dahil nakabuo na ng ayre si Garlimax at may apat na horselength pang agwat sa Subterranean River, bago nakaungos ang Yes Kitty at Real Flames sa Striking Colors sa ikaapat na puwesto.
Wagi naman ang Sky Dancer na ginabayan ni Pat Dilema sa pareho ang tiyempo sa 4th leg ng juvenile colts na inisponsoran din ng Philracom sa quarters na 18-medya, dalawang 25 at tumapos rin ng 27 segundo para sa 1:35.8 na tiyempo.
Halos dikit lang sa bentahan ng Sky Dancer at second choice na si Spectrum pero hindi maganda ang naging salida ng Spectrum na pansamantalang napabuka sa pagbubukas ng aparato bago pumihit agad para sa maagang pakikipaglutsahan sa naunang Uncle Ko na coupled runner ng Sky Dancer.
Sa panalo ng Sky Dancer ay nagdagdag yaman ito sa koneksyon niyang sina horse owner Joseph Dyhengco, trainer Anthony Francisco at hineteng Patricio Dilema.
Dahil sa maagang pakikipagtagisan ng bilis sa Uncle Ko na ginabayan ni Viong Camañero Jr., ay nagawa lang tumapos ng pang-apat na puwesto itong Spectrum at may premyo pa ring P75,000 mula sa Philracom.
Nakasingit pa sa runner-up honor ang Finishing Bells mula sa Deemark International na kinondisyon ni A.L. Francisco at sinakyan ni Val Dilema gayundin. Ang Show The Whip ang kumuha ng ikatlong puwesto.
Nanguna sa pagbibigay ng premyo sina Commissioner Lyndon B. Guce at si Andrew Gavino, kasama rin ang iba pang opisyales ng Manila Jockey Club.
- Latest