Lady Slammers nakuntento sa third place sa PSL
IMUS CITY, Philippines – Tinapos nina imports Alexis Olgard at Bojana Todorovic ang kanilang kampanya matapos tulungan ang Philips Gold sa 23-25, 25-21, 25-22, 25-17 panalo laban sa Cignal sa classification match ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kahapon dito sa Imus Sports Center.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Meralco Power Spikers ang RC Cola-Air Force Raiders, 25-21, 20-25, 25-23, 25-20, para sikwatin ang fifth place.
Bumalikwas sina Olgard at Todorovic mula sa kanilang kabiguan sa Foton Tornadoes sa semifinals para ihatid ang Lady Slammers sa third-place finish sa nasabing inter-club tournament na inihahandog ng Asics katuwang ang Milo, Senoh, Mikasa at Mueller bilang technical partners at TV5 bilang official broadcaster.
Nagsalansan ang 6-foot-5 na si Olgard, isang middle blocker mula sa University of Southern California, ng 21 sa kanyang 25 points sa smashes.
Humataw naman si Todorovic ng 19 kills at 3 blocks para tumapos na may 23 points sa Philips Gold na dinuplikahan ang kanilang third-place finish sa nakaraang All-Filipino Conference noong Mayo.
Humakot din si Todorovic, naglaro bilang libero para sa 2011 US NCAA Division I champion na University of California-Los Angeles, ng 23 excellent receptions bukod pa sa 8 digs para sa huli niyang laro sa Philips Gold at sa PSL.
- Latest