Titulo amoy na ng Air Force sa Spikers’
MANILA, Philippines – Isang panalo pa ang kailangan ng Raiders para tuluyan nang makamit ang korona.
Ito ay matapos pabagsakin ng Philippine Air Force ang Cignal HD TV, 25-15, 19-25, 25-19, 25-19, sa Game One ng Spikers’ Turf Season 1-Reinforced Conference Finals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sinandalan ni Raiders’ coach Rhovyl Verayo ang kanyang six-man rotation sa pangunguna ni Jeffrey Malabanan na tumapos na may 17 points para talunin ang HD Spikers at kunin ang 1-0 abante sa kanilang best-of-three title showdown.
Tumulong naman sina Rodolfo Labrador, Reyson Fuentes, Ruben Inaudito at Edwin Tolentino kay Malabanan nang maglista ng pinagsamang 41 points.
Bukod kay setter at libero Raffy Mosuela, ginamit din ni Verayo sina Mike Abria at Pitrus de Ocampo.
“We decided to go with our main guys because they’ve been playing well the whole conference,” wika ni Verayo.
May pagkakataon ang Raiders na tuluyan nang angkinin ang titulo sa panalo sa HD Spikers sa Game Two sa Miyerkules.
Kung makakapuwersa ang Cignal ng Game Three ito ay gagawin sa Disyembre 5.
Nakahugot ang HD Spikers ng pinagsamang 30 points kina Edmar Bonono at Lorenzo Capate, Jr.
Subalit hindi ito sapat para gibain ang Air Force, hangad na maging kauna-unahang hari ng Reinforced Conference.
Sa labanan sa third place trophy, ipinoste ng PLDT Home Ultera ang 25-14, 25-22, 23-25, 25-19 panalo kontra sa Navy sa kanilang series opener.
Kumamada si Mark Gil Alfafara ng 20 hits, tampok ang 17 kills, habang nagdagdag sina Kheeno Franco, Henry James Peca-A at Jayson Ramos ng 17, 12 at 10, ayon sa pagkakasunod, para sa 1-0 bentahe ng Ultrafast Spikers sa kanilang best-of-three series ng Sailors.
Nagsalansan si Razzel Palisoc ng 16 points, samantalang may 12 markers si Nur Amin Madsairi para sa Navy.
- Latest