Baguio, AMA-Quezon City kampeon sa BEST Center 3-on-3
MANILA, Philippines – Naghari ang mga koponan mula sa Louis High School ng Baguio at AMA-Quezon City sa pagtatapos ng 1st Best Center-FIBA 3x3 basketball tournament sa Ateneo Courts.
Higit sa 500 players na bumuo sa 128 teams sa dalawang dibisyon ang lumahok sa torneo na inorganisa ng Basketball Efficiency and Scientific Training (Best) Center, ang pioneering Philippine group na nagtuturo sa mga bata ng basic at advanced rudiments ng basketball, sa pakikipagtulungan sa Milo Ready to Drink at sinuportahan ng Freego at Rain or Shine.
Hinirang ang Giants ng St. Louis High School sa Baguio City bilang unang 15-and-Under champions ng bagong liga na binuo bilang sagot sa panawagan ng FIBA (International Basketball Federation) na palakasin ang ‘street basketball’ para maging isang Olympic sport.
Ang Giants ay binubuo nina Luis Emmanuel Lising, Antonio Abriol, Magnus Gabriel Ines at Angelo Cashio.
Pumangalawa naman ang Meteors ng De la Salle-Zobel na kinabibilangan nina Prince Arthur Gaiser II, Philip Charles T. Gatmaytan, Ronald Rey Santos at Jude Emmanuel Codiñera, anak ng dating Philippine Basketball Association star player na si Jerry Codiñera.
Pumangatlo naman ang The Force ng San Francisco High School na binubuo nina Sebastian Lesley Dominique Dait, Marvin Perin, Isaiah John Banato at Maoi She Vidad at kumatawan sa Lamut, Ifugao ng CAR.
Ang Sharks ng AMA-QC na pinalakas nina Kylie Rivera, Jethro Ortinalla, Jefferson Magpayo at Manuel Robles ang nagkampeon sa 12-and-Under matapos talunin ang sister team na AMA-QC Bulldogs nina Tristan Amon, Khalijan Diologo, Lih Ambrose dela Cruz at Ren Cobie Tolentino.
Tumersera naman ang Roosters ng De la Salle Greenhills na kinabibilangan nina Victorino Torres III, Mark Angelo Torrijos, Javier Luis Jugo at Jenji Duremdes, anak ni dating PBA icon Kenneth.
Labis na ikinatuwa ni Best Center president Nic Jorge, ang dating national coach, ang naging resulta ng torneo.
- Latest