Foton at Petron itinakda ang kanilang championship series
MANILA, Philippines – Si American import Lindsay Stalzer ang bumandera, habang si local star Jaja Santiago ang tumapos ng laban.
Nagtuwang sina Stalzer at Santiago para akayin ang No. 4 Foton sa 25-18, 26-24, 18-25, 20-25, 15-8 pagpapatalsik sa top seed ng Philips Gold para angkinin ang finals ticket ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan.
Lalabanan ng Tornadoes ang nagdedepensang Petron Blaze Spikers, dinaig ang Cignal HD Spikers sa ikalawang laro, 25-20, 26-24, 20-25, 25-13, sa best-of-three championship series simula sa Lunes.
Kumayod si Stalzer, dating pambato ng Bradley University at kumampanya para sa Cignal sa nakaraang season-ending conference, ng 26 kills at 3 blocks para tumapos na may team-high na 29 points sa inter-club tournament na inihahandog ng Asics katuwang ang Milo, Senoh, Mikasa at Mueller bilang technical sponsors at TV5 bilang official broadcaster.
“She is a seasoned player. She is my captain inside the court and she knows the game very well,” sabi ni Tornadoes’ coach Villet Ponce-de Leon kay Stalzer.
Humataw si Stalzer ng 7 points sa fifth set kasabay ng ilang krusyal na errors ng Philips Gold.
Tumapos naman si Santiago na may 15 points, habang may 13 markers si import Katie Messing para sa Foton.
Nakabawi ang Lady Slammers sa 0-2 pagkakalubog sa unang dalawang set nang mag-init sina dating UCLA star Bojana Todorovic. Alexis Olgard at Myla Pablo para agawin ang third at fourth sets at makapuwersa ng fifth set.
Itinala ng Foton ang 8-4 kalamangan, habang nakagawa ng apat na errors si Todorovic sa naitalang lima ng Philips Gold.
Tuluyan nang sinelyuhan ni Santiago ang panalo ng Tornadoes sa pamamagitan ng kanyang running attack.
Umiskor si Todorovic ng 31 points, habang may 19 hits si Olgard para sa Lady Slammers.
- Latest