Must-win ang La Salle sa pagsagupa sa FEU
MANILA, Philippines - Ito ang larong kaila-ngang maipanalo ng Green Archers.
Hangad makamit ang playoff para sa huling tiket sa Final Four, sasagupain ng De La Salle University ang Far Eastern University ngayong alas-4 ng hapon sa pagtatapos ng elimination round ng 78th UAAP men’ basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Kung tatalunin ng Green Archers ang Tamaraws ay lalabanan nila ang nagdedepensang National University Bulldogs sa isang playoff game para sa ikaapat at huling Final Four slot.
Ang kabiguan naman ng La Salle sa FEU ang tuluyan nang magbibi-gay sa NU ng No. 4 berth at makakaharap ang No. 1 University of Sto. Tomas sa Final Four.
Bilang No. 1 at No. 2 teams, magbibitbit ang Tigers at ang Tamaraws ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 4 squad at No. 3 Ateneo Blue Eagles, ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ng Green Archers ang kanilang tatlong sunod na kamalasan nang talunin ang sibak nang University of the Philippines, 72-68 noong Nobyembre 11.
Kumpiyansa si coach Juno Sauler na muling maipapakita ng La Salle ang naturang intensidad sa pagharap sa FEU, magmumula sa 68-70 pagkatalo sa NU noong nakaraang Sabado.
“What I saw was we played as a team — a true La Salle team. I saw my team and everyone of us sharing. Like our heart, we gave it to each other, we played for each other,” wika ni Sauler.
Muling sasandigan ng Green Archers sina Jeron Teng, Thomas Torres, Prince Rivero at Jason Perkins kontra kina Mike Tolomia, Mac Belo, Roger Pogoy at Russell Escoto ng Tamaraws.
Sa unang laro sa alas-2 ng hapon ay magtatagpo naman ang talsik nang University of the East Red Warriors at ang Fighting Maroons. (RC)
- Latest