NLEX naisahan ng mahindra
MANILA, Philippines – Gumawa ng 31 puntos si Paul Asi Taulava pero hindi naramdaman ito ng Mahindra Enforcers para angkinin ang 103-93 panalo sa NLEX Road Warriors sa PBA Philippine Cup kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang mga dating manlalaro ng NLEX na sina KG Canaleta, Aldrech Ramos at Kyle Pascual ay may tig-14 din para mahigitan ng mga malalaking manlalaro ng Enforcers ang mga katapat tungo sa unang panalo matapos ang tatlong sunod na pagkatalo.
Ramdam ni coach Chito Victolero na mananalo na ang kanyang koponan dahil nakita niyang lumaban nang sabayan ang Enforcers pero kinapos sa huli para matalo sa Rain Or Shine Elasto Painters (94-108), Talk ‘N Text Tropang Texters (97-101) at Alaska Aces (94-98).
“We played very well but ‘yung breaks ng game napupunta sa kanila. I just told them don’t get frustrated and that we go to play 49 minutes of good basketball,” ani Victolero.
Sa ikatlong yugto nagseryoso ang Enforcers at pinakawalan ang 23-17 palitan upang ang walong puntos na kalamangan sa halftime ay naging 74-60.
Nagtuluy-tuloy na ang paglayo ng tropa ng Pambansang kamao na si Manny Pacquiao at ang pinakamalaking bentahe ay nasa 21 puntos, 96-75 sa triple ni LA Revilla.
Bukod sa 31 puntos, ang 6’10” Taulava ay mayroon pang siyam na rebounds sa 32 minutong paglalaro. Pero kinulang ng suporta sa Gilas player upang matalo ang NLEX sa ikalawang sunod matapos ang 2-0 panimula.
Hindi nakasama ng Mahindra si Pacquiao dahil nagbabakasyon ito kasama ang pamilya.
MAHINDRA 103 - Canaleta 14, Pascual 14, Ramos 14, Revilla 13, Yee 11, Hubalde 9, Guinto 8, Pinto 7, Bagatsing 5, Alvarez 4, Dehesa 2, Webb 2, Jaime 0.
NLEX 93 - Taulava 31, Anthony 19, Enciso 9, Arboleda 8, Villanueva J. 8, Borboran 5, Cardona 4, Alas 3, Camson 2, Reyes 2, Apinan 1, Villanueva E. 1, Khobuntin 0, Lanete 0.
Quarters: 26-16, 51-43, 74-60, 103-93.
- Latest