Philippine wushu team may misyon sa Jakarta World Championships
MANILA, Philippines – Dugtungan ang magandang marka na ginagawa ng Pilipinas sa mga nakaraang World Wushu Championships ang balak gawin ng ipinadalang pambansang delegasyon sa 13th edisyon sa Istora Senayan Jakarta, Indonesia.
Pitong kalahok sa taolu at walo sa sanda ang ilalaban ng Wushu Federation Philippines (WFP) sa prestihiyosong kompetisyon na ginagawa tuwing dalawang taon at kahit may mga bagong mukha ay handa ang mga ito at palaban sa gintong medalya.
“Of course we want to win as many as we can. But most of our athletes now are young and new. But we can make some surprises and we are looking at least one gold,” wika ni Wushu Federation Philippines (WFP) secretary-general Julian Camacho.
Ang mga atleta sa taolu (form) ay sina dating Asian Junior champion Alieson Ken Omengan, Thornton Quieney Lou Sayan, Spencer Bahod, Norlence Ardee Catolico, Johnzenth Gajo, Kariza Kris Chan at Agatha Chrystenzen Wong.
Sina Noel Alabata Arnel Mandal, Francisco Solis, Jean Claude Saclag, Clemente Tabugara Jr., Divine Wally, Hergie Bacyadan at Jessie Aligaga ang magdadala sa sanda (sparring).
Sina Aligaga at Saclag ang mga nalalabing manlalaro na sumali sa 2013 World Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia at sila ay magtatangkang higitan ang pilak at bronze medal na nakuha sa kompetisyon.
Maliban sa 2009 edisyon sa Canada na hindi sinalihan ng Pilipinas, ang mga panlaban ay hindi nawawalan ng gintong medalya mula 2003.
Umalis ang delegasyon noong Huwebes habang ang kompetisyon ay magsisimula ngayon.
- Latest