Globalport, Star 2-panalo na
MANILA, Philippines – Isang mainit na ratsada sa second quarter ang ginawa ng Star para wakasan ang dalawang sunod na arangkada ng NLEX.
Mula sa two-point deficit sa first period ay nagliyab ang opensa ng Hotshots para kunin ang 19-point lead sa third canto patungo sa 97-95 panalo laban sa Road Warriors at ilista ang ikalawang panalo sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bagama’t naupos ang itinayong 19-point lead sa third quarter ay nagawa pa rin ng Star na makakawala sa NLEX na nakadikit sa 95-96 agwat sa natitirang 11 segundo sa labanan.
Ang split ni Justine Melton sa huling segundo ang sumelyo sa panalo ng Hotshots, nanggaling sa 94-101 pagyukod sa Globalport Batang Pier noong nakaraang linggo, kontra sa Road Warriors.
Itinala ng Star ang 58-39 bentahe sa 7:47 minuto ng third period hanggang makalapit ang NLEX sa 92-94 sa huling 1:15 minuto ng final canto.
Sa unang laro, tinakasan ng Globalport ang Barako Bull sa overtime, 105-91 para sa kanilang ikalawang panalo.
“Iyong Barako Bull talagang nakakatakot na team ‘yan. Well-coached ‘yang team na iyan,” sabi ni Batang Pier mentor Pido Jarencio sa Energy. “Nag-extra effort lang kami sa overtime kaya kami nanalo talaga.”
Tumapos si Terrence Romeo na may 21 points kasunod ang 19 ni Stanley Pringle, 14 ni Doug Kramer, 13 ni Joseph Yeo at 11 ni Jay Washington.
Nabigo ang Globalport na kaagad makuha ang panalo subalit naitabla ni JC Intal ang iskor sa 85-85 nang maisalpak ang isang jumper sa pagtunog ng buzzer patungo sa extra period.
- Latest