Foton Tornadoes magpapalakas ng kapit sa No. 4
MANILA, Philippines – Patatagin ang kapit sa mahalagang ikaapat na puwesto ang hangad ng Foton Tornadoes sa pagharap sa Philips Gold Lady Slammers sa pagbabalik-laro ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
May 3-3 karta ang Foton pero naipanalo nila ang huling dalawang laro bago itinigil ang aksyon sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller at napapanood sa TV5, bilang paggunita sa Araw ng mga Patay.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ika-4 ng hapon at dapat na mapanatili ang maalab na paglalaro ng mga inaasahan ng Foton tulad nina Kathleen Messing, Lindsay Stalzer, Jaja Santiago at Kayla Williams dahil mainit din ang Lady Slammers nang maipanalo ang huling apat na laro matapos matalo sa Cignal HD Lady Spikers.
Kasama sa kanilang pinabagsak ay ang Foton, 25-18, 26-24, 22-25, 23-25,15-13 noong Oktubre 25.
Ang mga US imports na sina Bojana Todorovic at Alexis Olgard ang aasahan ng Philips Gold para palakasin ang laban sa number one seeding papasok sa semifinals.
Ikaanim na panalo matapos ang walong laro ang target naman ng nagdedepensang kampeong Petron Lady Blaze Spi-kers laban sa wala pang panalong Meralco Power Spikers sa ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi.
May tatlong dikit na panalo ang Lady Blaze Spikers at nangyari ito dahil itinaas ni Brazilian import Rupia Inck ang kalidad ng paglalaro para makasalo ang koponan sa Cignal sa 5-2 karta.
Bukod kay Rupia, sina Dindin Manabat, Rachel Ann Daquis, Aby Maraño at Frances Molina ang mga gagana pa para sa Petron upang maulit ang 25-15, 25-14, 25-19 panalo sa Meralco noong Oktubre 13.
Ito ang unang laro ng Power Spikers mula Oktubre 20 at inaasahang ginamit ito ni coach Ramil de Jesus para buuin ang samahan ng mga manlalaro upang ma-kabawi sila matapos ang 0-5 karta sa first round elimination. (AT)
- Latest