Letran ‘di apektado sa pagkawala nina Cruz at Racal
MANILA, Philippines – Hindi nangangamba ang mga coaches ng NCAA champion na Letran Knights sa magiging epekto ng pagkawala nina Mark Cruz at Kevin Racal sa papasok na 92nd NCAA season.
Sina Cruz at Racal ay kasama ni Rey Nambatac bilang ‘big three’ ng Knights na siyang sinandalan para talunin ang dating 5-time champion na San Beda Red Lions sa klasikong Game Three.
“Challenging ang next season for us dahil wala na sina Mark at Kevin na ang pinakamalaking ibinibigay sa team ay ang leadership. Pero kasama sa preparas-yon ni coach Aldin Ayo this year is to also expose the other players,” wika ni assistant coach Louie Gonzales na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Si Nambatac ang magiging sentro ng koponan pero makakatulong niya sina McJour Luib, Jomari Sollano at JP Calvo na nasalang nang husto sa natapos na season.
Pero binanggit pa ni Gonzales sina 6’1” Jerrick Balanza at 6’1” Bong Quinto na siya niyang nakikita na hahalili sa puwestong iiwan nina Cruz at Racal.
“Bright spot namin ay si Balanza na tinitignan naming papalit kay Mark. Promising siya pero this year, kinontrol namin siya dahil ayaw namin na mahinog siya sa pilit. Si Bong naman ang mas mabibigyan ng res-ponsibility para punuan ang puwesto ni Kevin,” dagdag ni Gonzales.
Para makita agad ang kalidad ng bubuuing koponan para sa susunod na taon, sa kalagitnaan ng buwang ito ay magsisimula na ang kanilang pagsasanay. Tinitignan na rin ng pamunuan ang mga pre-season leagues na puwedeng salihan para mahasa ang samahan.
Si Ayo ay kinuha sa Letran para maging coach sa taong ito lamang at nagkampeon ito. (AT)
- Latest