Biado, Kiamco lumalaban pa
MANILA, Philippines – Sina Carlo Biado at Warren Kiamco na lamang ang naiwang Pinoy sa winner’s bracket nang manalo pa sa idinadaos na 40th US Open 9-ball Championship na ginagawa sa Sheraton Waterside sa Norfolk, Virginia.
Lumabas uli ang galing ng dating number one player sa mundo na si Biado nang hindi papormahin si Thorsten Hohmann ng Germany, 11-3 habang si Kiamco ay nanalo kay Jason Klatt ng Canada, 11-9.
Nasa third round na ang dalawang Filipino cue-artists at sunod na kalaro ni Biado si Jayson Shaw ng England habang si Kiamco ay mapapalaban kay Ralf Souquet ng Germany.
Ang pumangalawa noong nakaraang taon sa kompetisyon na si Dennis Orcollo ay natalo kay Dang Jin-hu ng China, 8-11 para malaglag sa one-loss side.
Isang talo pa sa mga manlalarong nasa loser’s bracket ay magreresulta ng kanilang pagkakasibak sa kompetisyon.
Samantala, palaban pa ang limang Pinoy na nasa one-loss bracket nang manalo sa kanilang laro.
Pinagpahinga na ni Roberto Gomez si Frankie Hernandez ng Puerto Rico 11-6; sinibak ni Francisco Felicilda si Ernesto Dominguez ng Mexico, 11-9; si Jeffrey Ignacio ay nagdomina kay Robert Ferry ng US, 11-1; si Jundel Mazon ay nangibabaw kay Joshua Padron ng US at si Ramil Gallego ay may 11-7 panalo kay Cleiton Rocha ng US. (AT)
- Latest